WALA umanong nakikita banta sa seguridad ni Vice President Sara Duterte ang Philippine National Police (PNP).
Ito ay isa sa mga dahilan ng PNP kasunod ng desisyon ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na tanggalan ng 75 police security personnel ang tanggapan ng pangalawang pangulo.
Giit ni Marbil, sakali namang kailanganin ni VP Sara ng suporta sa pulis, nakahanda naman umano silang umalalay rito.
“Walang security threat ang VP. Ang sinasabi ko lang every time you go to the regions nag augment ‘yung mga pulis natin. Marami naman pong pulis kami sa regions, let’s say the VP went to the place marami po kaming pinapadalang police just to make sure na secure po siya,” ayon kay PGen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
Pagbawi sa security personnel ni VP Sara Duterte, walang halong politika—PNP Chief
Nanindigan din si Marbil na hindi politika ang dahilan ng desisyong alisan ng security detail si VP Sara.
Giit niya, kakulangan lang talaga ng pulis sa Metro Manila ang rason kaya’t hiniling nitong bawiin ang mga pulis na nagbabantay sa seguridad ng bise presidente.
“We showed you marami na rin kaming dinownload sa NHQ and mga opisina natin, ang priority talaga namin NCR. Anlaki talaga ng gap na kulang namin na mga pulis diyan, so more or less 640 na ang binaba namin and ‘yung sa PSPG that’s about 225. Initially 150 ng July 1 we already downloaded to NCRPO. Now eto ‘yung kay ating minamahal na VP Sara that 75 but it doesn’t matter. Sabi ko nga sa kaniya doon sa Chief of Staff you can ask kung nagkukulang and then we will augment,” giit ni Marbil.
Mula sa 106 PNP personnel ng OVP, bumaba na lamang ito sa 31, kabilang na ang 7 opisyal at 24 non-commissioned officers.
Sa kabila nito, nagpasalamat pa rin si VP Sara sa maayos at tapat na serbisyo ng mga dati nitong security personnel.
Muli namang tiniyak ng PNP ang agarang paglalaan ng seguridad para sa pangalawang pangulo oras na kailanganin sila nito.
Sadyang hindi lang anila makaya ngayon ng pulisya ang kakulangan ng mga tauhan nito sa NCR.
Sa ngayon, nasa pangangasiwa na umano ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang paglalaan ng seguridad para kay Vice President Sara sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Now it’s a security of the DND. That’s part of the Presidential Security Command ang Security ng VP natin,” ani Marbil.