PNP walang magawa laban sa pambabastos ng Quadcom at pagpapakulong sa mga kabaro nito

PNP walang magawa laban sa pambabastos ng Quadcom at pagpapakulong sa mga kabaro nito

KUNG dati anila, ang pulis ang nanghuhuli ng mga New People’s Army (NPA), ngayon tila nabaklitad na umano ang kalakaran matapos ang sunod-sunod na pambabastos at pang-iinsulto na nauuwi sa pagkukulong sa kanilang mga tauhan sa ilalim ng kumpas ng ilang makakaliwang mambabatas na miyembro ng Quad Committee ng House of Representatives.

Kaugnay pa rin ito sa imbestigasyon na ginagawa ng Kamara sa Drug War campaign ng nakaraang administrasyon.

Sa panayam sa Kampo Crame kay PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Jean Fajardo, wala aniya silang magawa sa kapangyarihan at awtoridad ng komite.

“Well ang masasabi lang diyan since sila naman ay duly elected representatives ng mga party-list and ‘yung kanilang pag-cite ng contempt ng ating mga pulis is within their ambit of authority at nirerespeto natin ‘yan bagamat we are hearing some comments with respect doon sa nagiging pagtrato ng mga pulis natin sa mga hearings na ito,” saad ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.

Tanging magagawa na lamang ng pulis ngayon ang pakiusapan ang komite na igalang naman ang kapulisan habang dumadalo ang mga ito sa sinasabing “in aid of legislation” na imbestigasyon ng mga kongresista.

“Just the same we appeal to our representatives and senators to give also due courtesy sa ating mga kapulisan because the fact that they are appearing before their forum ay ‘yun ay nagsi-signify na nirerespeto at kinikilala natin ‘yung kanilang karapatan na magsagawa ng ganitong mga hearing but just the same we will give our full cooperation sa mga hearings na nasabi,” ani Fajardo.

Matatandaang, ilang pulis na ang inimbitahan ng Quadcom sa Kamara para sagutin ang mga katanungan ng mga kongresista kaugnay sa sinasabi nilang madugong kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng pamumuno noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Pinakahuling na-cite in contempt ng Kamara si Police Colonel Hector Grijaldo na dating hepe ng Mandaluyong Police na umamin noon sa Senado na kinausap siya ng dalawang co-chair ng Quadcom para kumpirmahin ang reward system sa Drug War campaign ng administrasyong Duterte.

Habang ipinag-utos din ng Quadcom ang pagpapaaresto kay dating PDEA Director Wilkins Villanueva dahil sa pagtanggi nitong sumagot sa mga katanungan ng komite sa anti-illegal drugs campaign noong nakaraang pamahalaan.

Para kay dating PNP chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” Dela Rosa, hindi na makatarungan ang ginagawa ngayon ng Kamara para lang siraan at ibagsak ang mga Duterte.

Dismayado rin ang senador na tila nakontrol na nang tuluyan ang Kongreso ng mga abusadong kongresista na kahit tapos na ang pagdinig, kaya pa rin nilang magpakulong ng isang tao.

Giit ng senador, kung siya pa aniya ang nasa poder ng PNP, hindi niya hahayaan na bastusin ang kaniyang mga tauhan habang wala namang maririnig na pagkondena ang kasalukuyang hepe ng Pambansang Pulisya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter