HINDI masama ang pagkakaroon ng maraming bodyguards ng opisina ni Vice President Sara Duterte ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. na walang problema kung hilingin ng pangalawang pangulo ang mas maraming security details dahil na rin sa kritikal na posisyon na hinahawakan nito sa pamahalaan.
Batay sa rekord, bukod sa pagiging bise presidente, kasalukuyan din itong kalihim ng Department of Education at chairman ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SAMEO).
Nagsisilbi rin siyang co-vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Giit pa ng PNP, hindi maaring pabayaan ang pangalawang pangulo at anumang oras ay kinokonsidera nila ang mga posibleng banta sa seguridad nito.
Samantala, nauna nang pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte ang AFP at PNP dahil sa suporta nito sa kaniyang opisina.
“The deployment of VPSPG personnel largely depends on the assessment of the Armed Forces of the Philippines (AFP) and the Philippine National Police (PNP). The OVP remains grateful to the AFP and PNP for supporting the VPSPG and OVP,” pahayag ng Office of the Vice President.
Kung matatandaan, isiniwalat sa pinakabagong COA audit report na nagkaroon ng 455-percent increase sa security and protection noong 2022.
Mas mataas anila ito kumpara sa 78 detailed military personnel sa ilalim ni dating vice president Leni Robredo noong 2021.
Pero ayon sa pangalawang pangulo, “absurd” at “completely lacking basis” ang mga ginagawang pagkukumpara ng ilang grupo at indibidwal sa mga nakaraang bise presidente ng bansa.