WALANG direktang utos ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga pulis na magsagawa ng house visits sa mga mamamahayag.
Ito ang nilinaw ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo matapos ireklamo ng ilang mamamahayag ang ginawang pagbisita sa kanila ng mga pulis nitong weekend.
Ayon kay Fajardo, ang tanging utos lamang ng PNP ay alamin ng kanilang mga tauhan kung may natatanggap na banta ang mga mamamahayag kasunod ng nangyari kay Percy Lapid.
Posible aniyang nagkaroon ng iba’t ibang interpretasyon ang mga pulis sa kung paano ipatutupad ang kautusan.
Kasabay nito, ipinatigil ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang pagbisita ng mga pulis hangga’t wala pang nailalabas na malinaw na panuntunan.