POEA application, kailangan upang makasama ang katulong ng DFA officers sa ibang bansa

HINDI na papayagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isama ng mga officers ng ahensiya ang kanilang tauhan o katulong kapag nadestino sa ibang bansa.

Kinakailangan na mag-aplay muna sa Philipine Overseas Employment Administration (POEA) upang maisama ng DFA officers ang katulong nito sa bansa kung saan ito nakadestino.

“They must apply to POEA. I ceded full authority to it,” ayon sa tweet ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

Hindi naman kabilang sa bagong patakaran ang mga domestic staff na nasa ibang bansa na.

“The POEA requirement is likely to be prospective in application as we are bound to honor existing contracts involving domestic staff abroad,” ayon sa isinaad ng ahensiya.

Nangyari ang nasabing desisyon matapos ang pagkatanggal ni dating ambassador Marichu Mauro na nahuli sa CCTV na sinasaktan ang Pinay helper sa kanyang official residence habang nakadestino sa Brazil.

Matatandaan na inilabas ng isang Brazilian news outlet na Globo News ang CCTV footage na sinasaktan ni Mauro ang 51-taong gulang na katulong sa iba’t ibang okasyon sa loob ng diplomatic residence nito.

Humakot ang nasabing video ng iba’t ibang reaksyon sa daigdig at sa mga opisyal ng pamahalaan kung saan nanawagan ang mga ito na pakasuhan ang nasabing envoy.

Nagpasalamat naman ang household worker ni Mauro na kinilalang si Leonila de Ocampo kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga tulong na natanggap niya sa pamahalaan nang makauwi na ito sa kanyang bahay sa Koronadal City.

SMNI NEWS