IHAHATID na sa huling hantungan si Police Lieutenant Reynaldo Samson, chief of police ng Ampatuan Municipal Police Station na nasawi sa pananambang sa Maguindanao noong Agosto 30.
Matatandaan na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang grupo ni Samson nang mangyari ang insidente sa Barangay Kapinpilan.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Alba, magkakaroon ng funeral mass para kay Samson sa St. Peregrine Laziosi Parish and Diocesan Shrine sa Muntinlupa City ngayong umaga.
Habang ililibing si Samson sa Hill Memorial Park, Susana Heights, Muntinlupa City mamayang alas-12:00 ng tanghali.
Una nang kinumpirma ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasa likod ng pananambang sa grupo ni Samson.
Puspusan naman ang pagtugis sa mga ito lalo’t may kinakaharap na warrant of arrest.