HINDI nagustuhan ni Cebu City Mayor Mike Rama ang isinagawang police operations sa mga compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
“Isang tao lang ang hinahanap, anim na raan ang dumating? Kung sa batas pa ‘yan…” ayon kay Atty. Mike Rama, Cebu City Mayor.
Para sa kanilang mga abogado, kuwestiyunable ang paggamit ng dahas ng mga taga PNP-Special Action Force at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mga walang kalaban-labang KOJC missionaries.
“Bakit ganito ang nangyayari sa ating bansa? Ano na ang nangyayari? Ganito na ba talaga? Normal na ba ito?” dagdag ni Rama.
Para kay Mayor Rama, kuwestiyunable ang operasyon dahil arrest warrant lang ang dala ng mga pulis at hindi search warrant.
Kaya, walang karapatan ang mga ito na halughugin ang mga ari-arian ng simbahan.
“Wala namang search warrant or masasabing arrest, ano bang klase ‘yan? Hindi pupwede ‘yan. Are we in martial law now? Nakalimutan na ba natin ‘yung mga basic principles on the protection of human rights?” giit ni Rama.
Sinabi ni Mayor Rama na personal niyang kilala si Pastor Apollo C. Quiboloy na siyang hinahanap ng mga awtoridad sa police operation.
Kaya masama aniya ang kaniyang loob sa mga panghuhusga laban sa butihing Pastor.
“Nakapunta ako diyan. I was invited. And I was being interviewed diyan. Kaya ako I felt bad. Nakapunta din ako dun sa sinasabing ‘yung doon sa mountain. Nakapunta ako diyan kaya ‘di ako sang-ayon. I don’t think it is in accordance with the rule of law,” aniya pa.
Pinapasa-Diyos na lang din ni Mayor Rama ang suspension order laban sa kaniya.
Malinaw sa alkalde na ang pagpayag niya sa Maisug Peace Rally sa Cebu City ang dahilan kung bakit ginigipit siya’t pinatawan pa ng 6-months suspension.
Maliban sa kaniya, nasuspendi rin si Davao del Norte Governor Edwin Jubahib pagkatapos niyang payagan ang Maisug Peace Rally sa Tagum City.
Sa huli, paninindigan ni Mayor Rama ang kaniyang pakikipagkaibigan kay Pastor Apollo.
Dahil ang tunay na pagkakaibigan ay walang iwanan.
“I’m around. I am your friend. I am a friend. And I will not disown Pastor Apollo Quiboloy. I have been your friend. And I will continue to be with SMNI—friends forever and ever amen,” aniya.