“Political will” dapat ipakita ni PBBM sa SONA—Cayetano

“Political will” dapat ipakita ni PBBM sa SONA—Cayetano

NAKUKULANGAN si Sen. Alan Peter Cayetano sa determinasyon ni Bongbong Marcos sa pagkamit ng kaniyang mga plano para sa bayan.

Sinabi ni Cayetano na ngayong nasa ikatlong taon na ang pangulo sa kaniyang panunungkulan ay dapat maangas siya sa kaniyang salita.

Ipinunto ng senador na kung palalakasin ng pangulo ang kaniyang political will ay mas maraming mabibigat na proyekto ang matatapos ng BBM administration.

“’Yung mga mabibigat na talagang gusto mong ilarga, now is the time and say it in words… mabait kasi magsalita ang pangulo eh. So ang problema sa gobyerno, halimbawa when say it sana walang delay. I am expecting no delay. Iba kasi ‘yung ‘pag pinokpok mo talaga eh,” pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Nilinaw ni Cayetano na nakikita niya ang intensiyon ng pangulo ngunit iba pa rin talaga aniya kung may matibay na political will dahil sa nagsisilbi ito bilang malinaw na direksiyon.

“So, the time for the “political will” SONA is now and maybe next year.”

“Kasi remember presidents think of their legacy eh. So ‘pag nasabi nya yan sa SONA, babalikan niya ‘yan,” giit ni Cayetano.

Tugon sa inflation, food at national security pinasisiguro ni revilla kay PBBM

Samantala, binanggit naman ni Sen. Bong Revilla ang mga problema ng bansa na para sa kaniya ay dapat banggitin ng pangulo sa SONA kung ano ang kaniyang mga plano at solusyon.

Kabilang sa sinabi ni Revilla ay ang pagsipa sa presyo ng mga bilihin o inflation.

Batay kasi sa isang survey ng Pulse Asia sa buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon ay ang pagkontrol pa rin sa inflation ang ipinag-aalala ng mga Pilipino.

‘Di rin aniya dapat kaligtaan ang issue sa food security.

Ani Revilla, mahalagang malaman ng taumbayan kung ano pa ang gagawin at mga ipagpapatuloy para masiguro na may sapat na pagkain sa hapag ng bawat Pilipino.

“Aantabayan rin natin ang magiging ulat ng Pangulo patungkol sa food security. Sa loob ng nagdaang taon, nakita natin ang mga sinikap ng administrasyon para mapayabong ang agrikultura katulad ng pagtatalaga ng bagong kalihim sa Department of Agriculture na tututok sa sektor, pagpasa ng batas na muling bubuhay at magpapalakas sa industriya ng taga-asin, pag-aabot ng tulong-pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda, at marami pang iba,” wika ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble