BUMABA ang naitatalang polusyon sa hangin sa Metro Manila sa Bagong Taon o unang araw ng taong 2021.
Ito ang inihayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu.
Ayon kay Cimatu, bumaba ng 59 percent ang lebel ng polusyon ngayong bagong taon kumpara noong 2020.
Ito ay nakamit aniya dahil na rin sa pakikipagtulungan ng mga lokal na ehekutibo ng Metro Manila at ng mga residente sa ipinatutupad na mandato ng gobyerno na limitadong paggamit ng paputok simula noong 2017.
Ayon sa datos ng DENR, nakapagtala lamang ang DENR-Environmental Management ng Average Concentration ng 87 micrograms per normal cubic meter ng particulate matter simula noong hatinggabi ng Disyembre 31 hanggang Enero 1 mula sa anim na air quality monitoring stations sa Caloocan, Marikina, Navotas, Pasig, Parañaque at Taguig.
Mas mababa ito ng 59 percent kumpara sa naitala noong Enero 2020 na umabot sa 213 micrograms per normal cubic meter.
Walang naitatalang sunog
Samantala, wala ring natanggap na ulat ang Department of Interior and Local Government (DILG) na insidente ng sunog na dulot ng mga paputok sa nakalipas na holiday season.
Ito ang sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año at itinuring itong isang katagumpayan ng ahensiya at ng buong pamilyang Pilipino.
Sa Metro Manila, tinatayang nasa sampu o higit pa ang naitatalang insidente ng sunog kada taon dahil sa mga paputok.
Ayon sa ulat ng kagawaran, bumaba rin sa 85 percent kumpara sa nakaraang taon ang bilang ng mga nasugatan dahil sa mga paputok.
Tinatayang nasa limampung katao lang ang naiulat na nasugatan dahil sa paggamit ng paputok mula noong Disyembre 21 hanggang Enero 1 kumpara sa naiulat na 320 noong Disyembre 2019.