SINIGURADO ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na napupunta sa tama ang salaping ginugugol ng gobyerno hinggil sa COVID-19 response pati na rin sa proteksyon ng mga front liner.
Kaugnay nito, handang itaya ni NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez ang kanyang dignidad kasunod ng hakbang ng Senado na ipasiyasat sa Commission on Audit (COA) ang gastos ng gobyerno ukol sa COVID-19 response.
Ani Galvez, direct procurement ang kanilang ginagawa para maiwasan na magkaroon pa ng supplier.
Sinabi pa ng kalihim na dumaraan sa Department of Budget and Management (DBM) ang Lahat ng procurement at direkta sa manufacturer.
Ito, ani Galvez, ay linsunod na rin ng mahigpit na bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na tiyaking masinop ang perang ginagamit sa pagresponde sa kinakarap na pandemya.
Pinatitiyak din aniya ng Pangulo na talagang nakatuon ito sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino at magagamit para sa mga ospital at sa COVID testing.
Kaugnay nito, inilahad pa ng opisyal na nakikipag- ugnayan din sila sa mga embahada para malaman at makakuha ng totoong presyo at ito ay maipababa sa pamamagitan ng diplomatic arrangement.