NTF-ELCAC funds para sa barangay development, hindi dapat patagalin — Badoy

NTF-ELCAC funds para sa barangay development, hindi dapat patagalin — Badoy

HINDI nararapat na patagalin ang pag-download ng funds para sa Barangay Development Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Ito ang inihayag ni NTF-ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy sa panayam ng SMNI News kaugnay sa pagkuwestiyon ni Senator Franklin Drilon sa umano’y mabilis na pag-download ng funds para sa naturang programa para sa mga barangay ng task force.

Aniya, extreme poverty ang kinakaharap ng mga benepisyaryo sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC.

Kapag aniya ang isang barangay na hindi nakadama ng presensya ng pamahalaan ay mabilis lang na maloko ng CPP-NPA-NDF.

“Ano pala ang gusto ni Sen. Drilon? Gusto nya magbagal? Itong sinasabi nating mga barangay na ito, ito ‘yung mga sobrang walang-wala talaga. ‘Yung they never felt government. Hindi nila alam kung ano ang gobyerno. So, madali silang pagsamantalahan ng CPP-NPA-NDF which was what happened,” pahayag ni Badoy.

Mandato rin aniya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi pahintayin nang matagal ang mga mahihirap mula sa serbisyo ng pamahalaan.

Isa naman sa ipinangako ng NTF-ELCAC ang magkaroon ng farm-to-market roads ang bawat benepisyaryong barangay para mas may maayos na access ang mga ito sa serbisyo ng pamahalaan.

(BASAHIN: Pagpapanatili sa pondo ng NTF-ELCAC ilalaban ni Senador dela Rosa)

SMNI NEWS