Pondo para sa Bayanihan 3, hindi kukunin sa utang —Rep. Salceda

SINIGURO ni Albay Representative Joey Salceda na may pondo ang gobyerno para sa isinusulong na Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3.

Ang panukala ay isinusulong mismo ni House Speaker Lord Allan Velasco na may P420 bilyon na pondo.

(BASAHIN: Panibagong round ng SAP cash aid, nakapaloob sa isinusulong na Bayanihan 3)

Ayon kay Salceda, hindi na kailangan pang mangutang ng gobyerno para mapondohan ang nasabing panukala.

Sa halip ay nagmungkahi ito ng mga diskarte kung saan puwedeng kunin ang pondo.

Unang mungkahi ang pagtataas sa dividend remittance ng mga Government Owned and Control Corporation o GOCC mula 50% patungong 75%.

Sa ganitong paraan, nasa P70 bilyon ayon kay Salceda ang inaasahang kita dito ng gobyerno.

Pero kailangang ma-amyendahan daw muna ang RA 7656 o ang Dividends Law para magawa ito.

 “The question of funding was very tangled, but what cut the Gordian knot is the proposal to increase mandatory dividend remittance of GOCCs from 50% to 75%, temporarily. This will require an amendment of RA 7656 or the Dividends Law. This is probably worth P70 billion,” pahayag ni Salceda.

Bukod sa nabanggit, ay posible rin daw ang tukuyin ng National Economic Development Authority o NEDA ang mga GOCC na hindi naman kumikita.

Pwede anya’ng bawasan ang kapital ng mga ito para makapag-generate ang administrasyon ng P20 hanggang P80 billion na pondo.

 “There are GOCCs that have accumulated more retained earnings over the years than they can deploy, especially now. Authorizing a distribution in excess of dividends, in favor of the government, would allow us to mobilize sleeping money for COVID-19 response without hurting our overall fiscal standing,” ani Salceda.

Samantala, nangako naman si Finance Sec. Carlos Dominguez na susulat ito sa Senado at hihilingin ang agarang pagpasa sa POGO Tax at E-Sabong Bill.

Kapag nangyari ito, tiyak daw ang nasa P15 bilyon na ekstrang pondo at P5 bilyon na funding resource.

“Secretary Dominguez supports the POGO taxes. He is also inclined to endorsing the E-sabong tax, but wants a study on the matter. I have already asked the Committee secretariat to supply the necessary materials so his staff can run the numbers,” dagdag ni Salceda.

Ngayong linggo inaasahang lulusot sa committee level ang Bayanihan 3.

Kapag nangyari ito, aakyat na sa plenaryo ang debate ng nasabing panukala oras na magbalik ang plenary session ng kongreso sa Mayo.

SMNI NEWS