Pondo para sa Child Development Centers sa mahihirap na barangay, inaprubahan na ng DBM

Pondo para sa Child Development Centers sa mahihirap na barangay, inaprubahan na ng DBM

ISA sa mga kinahaharap na hamon ng bansa ay ang kakulangan sa early childhood care and development lalo na sa mga liblib at low-income na barangay.

Pero ngayong naaprubahan na ang pondo para sa pagpapatayo ng mga Child Development Centers, ano nga ba ang magiging epekto nito sa kinabukasan ng mga batang Pilipino?

Magsisimula na ang pagpapatayo ng mga Child Development Centers (CDCs) sa mga mahihirap na barangay matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM), sa pamumuno ni Secretary Amenah Pangandaman, ang P309 milyong pondo para sa inisyatiba.

Ang mga CDC ay mga pasilidad sa ilalim ng pamahalaang barangay o lokal na pamahalaan na layuning ihanda ang mga batang edad 0 hanggang 4 sa pagpasok sa kindergarten at pormal na edukasyon.

Noong Abril, lumagda ang Department of Education (DepEd) at DBM ng isang joint circular para itatag ang mga CDC sa mga lugar na lubos na nangangailangan.

Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang labanan ang learning poverty sa antas-komunidad at matiyak na walang batang maiiwan sa edukasyon.

Tumutugon din ang proyektong ito sa mga kakulangan na binigyang-diin sa ikalawang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kabilang ang limitadong access sa early learning facilities sa mga lugar na mababa ang kita.

Bagama’t mandato ng Republic Act No. 6972 ang pagtatayo ng day care center sa bawat barangay, lumabas sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) para sa EDCOM II na nananatiling hamon ang kakulangan sa pasilidad at hindi pantay na kalidad ng mga day care worker sa bansa.

Ayon sa DBM, makikinabang sa programang ito ang kabuuang 328 low-income local government units (LGUs)—89 mula sa Luzon, 106 sa Visayas, at 133 sa Mindanao, kabilang na ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble