Pondo para sa COVID testing sa 2022, hindi kukulangin –Sen. Angara

Pondo para sa COVID testing sa 2022, hindi kukulangin –Sen. Angara

TIWALA si Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara na kaya na gawing libre ng pamahalaan ang COVID testing ngayong 2022 kung gagawin ito sa mga laboratoryo na hawak ng gobyerno.

Ito ang sagot ni Angara sa patuloy na tumataas na demand sa COVID testing dahil sa patuloy na pagkalat ng Omicron variant.

Paliwanag ng senador, chairman ng Senate Committee on Finance, may sapat na pondo sa 2022 National Budget para sa pangangailangan ng ating mga kababayan na hindi abot sa bulsa ang magpa COVID test.

Sa kasalukuyan ang presyo ng RT-PCR test ay nasa isang libo hanggang tatlong libong piso at minsan ay nasa limang libong piso sa ibang mga pribadong kompanya.

Ayon sa senador, P17.85 B ang inilaan mula sa 2022 National Budget para sa COVID-19 Laboratory Network Comodities. Ito aniya ang gagamitin para sa libreng COVID test.

  “The Senate pushed for the allocation of bigger amounts for Covid testing – knowing full well that we are still in a pandemic and new, faster spreading variants continue to emerge,” saad ni Angara.

Una ng sinabi ng DOH na karamihan sa mga apektado ng Omicron variant ay asymptomatic o simpleng ubo at sipon lamang ang nararamdaman kung kaya’t mahalaga ani Angara na magpa-test upang maiwasan ang hawaan.

Hinikayat din ng senador ang DOH na agad ng i-download ang nasabing pondo sa mga laboratoryo ng gobyerno upang makapagbigay na ng libreng testing para sa mga nangangailangan.

“The bottom line is that the more test that we conduct, the more effective our efforts will be in preventing the spread of Covid,” dagdag ni Angara

Para naman sa mga nais magpatest sa mga pribadong laboratory ay maari naman itong i-subsidize ng PhilHealth.

Sa ngayon ay pinabibilis naman ng senador sa Food and Drugs Administration (FDA) ang pag proceso sa mga aplikasyon para sa mga testing kits na pwedeng tayo na mismo ang magsasagawa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter