IMINUMUNGKAHI ng isang grupo na ilaan sa mga magsasaka ang pondo para sa Maharlika Investment Fund bilang solusyon sa paulit-ulit na problema ng bansa sa agricultural supply.
Isang estratehiya ang inilabas ng isang grupo kung paano ang tamang paggamit sa panukalang Sovereign Wealth Fund.
Ito rin daw ang solusyon sa paulit-ulit na problema ng bansa sa pagkain.
Kakulangan ng cold storage facilities at tamang credit facility sa mga magsasaka.
‘Yan ang obserbasyon ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) sa paulit-ulit na problema ng bansa sa suplay ng pagkain.
Tulad sa isyu ngayon ng sobrang mahal na pulang sibuyas na umaabot sa P700 ang kilo.
Ayon kay PCAFI President Danny Fausto, ito dapat ang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.
Lalo na ang pagluluwag sa requirements para makautang ng puhunan ang mga magsasaka.
“More than 50% ng farmers natin ay hindi naman natapos ng elementary. Eh kung ang bangko maghahanap ng business plan o feasibility study o hahanapan ka ng IRR in present eh talagang walang makasusunod diyan. Hahanapan ka pa ng collateral, track record so dapat mag-intervene ang government,” ayon kay PCAFI President Danny Fausto.
Diin pa ni Fausto na may mga government credit facilities naman na pwedeng gawin ang mungkahi.
Lalo na ang Philippine Guarantee Corporation na nakatuon ngayon sa pagbibigay guarantees sa real estate.
Ngunit, kung malaki lang sana ang suporta ng korporasyon sa agriculture eh di sana malaki rin ang output ng mga magsasaka.
“‘Yung Philippine Guarantee Corporation noong 2020, nag-guarantee siya ang outstanding niya is P207 billion ang guarantee niya. At more than P203 billion of this P207 (billion) went to real state. Can you imagine? Sabi ko nga dito noong huling interview ko dito, yung mga condominium sa BGC at saka Makati gina-garantiya ng gobyerno yan. Pero walang guarantee’ ng bumabagsak sa farmer,” aniya pa.
Sa usapin naman ng agricultural facilities, mungkahi rin ni Fausto na tutukan ito ng pamahalaan.
Lalo na’t binubuo ng administrasyon ang sarili nitong Sovereign Wealth Fund o ang panukalang Maharlika Investment Fund.
Pero sa halip daw na ilagak ang pera ng gobyerno sa labas ng bansa, ay dapat raw itong ituon sa mga magsasaka.
“Eh dapat itong Maharlika Invesment Fund dapat mga 20 or 30% mandatory in the law should be allocated to agricultural development especially value chain. Ang laki ang kita as what the traders are making money for. Yung post-harvest facilities, cold storage facilities, ice plants, logistics, and so on ano? Warehousing, rice milling, rice drying, pati silos for the port. All of these can be funded and profitably by the Maharlika Investment Fund. Hindi naman yan malulugi,” ayon pa kay Fausto.
At ngayong tapos na sa Kamara ang panukala, sa Senado nila isusumite ang mungkahi.
Na palitan ang prayoridad na paglalagakan ng investment sa halip ituon ito sa mga agrikultura.
“Hindi naman natin ilalagay ang investment fund doon sa production level na ang kapatid natin diyan ay climate eh, climate change na risky. But when you go to the processing, value adding, packaging, branding and going to the marketing level, logistics distribution, cold chain, kikita ang Maharlika Investment Fund and that is what we are asking na sana makarating sa Senado,” dagdag ni Fausto.
Magugunitang mabilis na nakapasa sa Kamara ang Maharlika Investment Fund Act.
Habang sa Senado, tila malamig ang mga senador sa panukala.
Umaasa naman ang PCAFI na makararating kay Pangulong Marcos ang kanilang mungkahi.
Muli rin silang liliham sa Pangulo para magsumite ng mga suhestyon pagkatapos ng biyahe nito sa China.