MAY nakalaan nang pondo para sa Service Contracting Program (SCP) para sa itinutulak ng Department of Transportation (DOTr) na pagpapatupad ng diskuwento sa pasahe ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III, hinihintay na lamang nila ang pondong maibigay ng DOTr upang maipatupad na ang SCP.
Inihayag din ni Guadiz na ang pagbibigay ng diskuwento sa pasahe ay ipatutupad ng ahensiya sa tulong at gabay ng DOTr.
Nilinaw rin nito na diskuwento na lamang ang gagawin sa mga pasahero upang mapagkasiya ang P1.2-M pondo sa maraming mga transport services sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, mula sa P12 ay gagawin na muling P9 ang minimum na pasahe sa mga tradisyonal na jeep o katulad ng singil noong wala pang pandemya sa bansa.