SA isang pahayag ng Department of Agriculture (DA), binibigyang-diin nila ang mga dahilan kung bakit tumataas pa rin ang presyo ng karneng baboy sa ilang pamilihan sa National Capital Region (NCR).
Sa pag-iikot umano kasi ng DA, may ilang palengke pa rin na nagbebenta ng P420–P440 kada kilo ng pork liempo, habang P370–P380 naman sa kasim at pigue.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Genevieve Guevarra, nakakabahala ang nasabing presyo, lalo’t isang buwan nang umiiral ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa karneng baboy.
Nananatili aniya kasing nasa P250–P255 kada kilo ang farm gate price ng karneng baboy, na malayo sa itinakdang P230.
“During our market visit, we observed that liempo was being sold at ₱420 to ₱440 per kilo, and kasim/pigue at ₱370 to ₱380, prices that clearly exceed the MSRPs. This is alarming, especially since the farmgate price of pork remains around ₱250 to ₱255,” Asec. Genevieve Guevarra, Agribusiness, Marketing & Consumer Affairs, DA.
Ang nasabing datos ng DA ay base aniya sa ulat mula sa Philippine Association of Feed Millers, Incorporated.
Ngunit ang pahayag na ito ng DA ay pinalagan ng malaking grupo ng mga pork producer sa bansa.
Sinabi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), na mali ang ipinapalabas na datos.
Bakit aniya sa tuwing tumataas ang presyo ng karneng baboy, laging ang mga producer ang sinisisi?
“Gusto namin nga na i-correct ng DA ‘yan kasi nagagalit ang hog raisers kasi we are complying the agreement… Ang sabi namin backyard naman naglalabas ‘yan once every 6 months o once every 4 months, hindi naman ‘yan commercial na araw-araw na puwedeng-puwede mong ibabad na kikita sa ibang araw. Bakit, talagang hirap pero still nagco-comply sila—may mga lagpas sa P235. Pangalawa, sa mismong data nung DA ay may P235 na ang kuha sa farm gate kaya kapag ina-average mo ‘yan halos P230 pa rin ang lalabas,” saad ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Sa datos na hawak ng SINAG, maraming producer o farms na ang tumalima sa itinakdang P230 na farm gate price sa karneng baboy. Kaya kuwestiyonable anila ang datos na hawak ng ahensiya.
“Very unfair ‘yung P250 o P255 kasi nga iisipin nila ang problema naman ay sa farm gate, hindi ‘yung sa mga biyahero o retailer… Naiinis na ‘yung mga hog raiser kasi lagi sila ang sinisisi sa mga problema sa presyuhan ng bigas, mapa-kamatis o sibuyas, tapos ngayon naman ay baboy. Ang sinisisi, mga producer—sila nga ang laging lugi,” ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Pagbibigay-diin pa ng SINAG: dapat nga anila ang DA ay maghigpit sa mga biyahero hanggang sa retailer.
Dapat din anila ay maging transparent ang ahensiya sa paglalabas ng mga pangalan ng mga biyahero at distributor hanggang sa retail level, upang matukoy kung sino ang posibleng nagmamanipula sa presyo.
DA, binigyang-linaw na mataas ang compliance level ng mga producer sa itinakdang farm gate price ng karneng baboy sa ilalim ng MSRP
Samantala, nais naman linawin ng DA ang naunang pahayag ni Asec. Guevarra.
Sinabi ni DA Spokesperson Arnel de Mesa na hindi totoo ang ulat na umaabot sa P250 hanggang P255 ang farm gate price ng karneng baboy.
“Gusto kong i-clarify na mataas ang compliance ng mga farm at tsaka ‘yung mga shipments. Out of the 270 farms ay 235 farms or equivalent sa 93% ang compliance. So, sa P230 at only 235 farms… doon sa mga shipment 93.3%, 804 out of the 862 shipments ang compliance… Mataas ang compliance ng mga farm doon sa farm gate na P230,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.