Pork vendors sa Commonwealth Market, muling nag-pork holiday

SA ikatlong linggo ng pagpapatupad ng price ceiling sa mga presyo ng karneng baboy at manok, muling nagsagawa ang ilang mga tindero ng baboy ng pork holiday.

Hindi nagbukas ng kanilang mga puwesto ang mga pork vendor dahil anila hindi nila kayang sundin ang price cap na itinakda ng pamahalaan sa presyo ng karneng baboy.

Anila, luging lugi na sila dahil mataas pa rin ang farm gate price.

Batay sa ulat ng Department of Agriculture (DA), nakaraang linggo ay umabot na sa mahigit 38,000 buhay na baboy at 150,167 kilo ng karne ang dumating sa Metro Manila mula sa mga ASF-free areas sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ito ang ipinangako ng DA upang matugunan ang mababang suplay ng baboy at matulungan ang mga pork vendors sa mga pangunahing palengke sa Metro Manila.

Dapat may darating din na baboy kaninang umaga at isa sa mga beneficiary ay ang Commonwealth Market pero ayon sa mga vendor ay wala naman dumating.

Hindi lang mga pork vendor ang umaaray pati na rin ang mga mamimili at may-ari ng mga kainan ay apektado sa pork holiday.

Sinabi nila na makakaapekto ito sa kanilang negosyo lalo’t ang hinahanap ng mga customer ay mga pork product.

Samantala, sinisiguro ng National Meat Inspection Service  (NMIS) sa mga consumers na dumadaan sa mahigpit na inspection ang mga imported frozen meat products.

Partikular ang karneng baboy na ibenebenta sa mga wet markets.

Ayon kay NMIS OIC Dr. Jocelyn Salvador hindi ipinagbabawal na ibenta sa mga palengke ang frozen meat basta’t nakalagay ito sa refrigerated facilities o freezers at may certificate of meat inspection.

May koordinasyon din ang NMIS sa mga LGUs para mabantayan ang  tamang pag- iimbak ng frozen meat sa mga palengke.

SMNI NEWS