Posibilidad na mag-collapse ang PhilHealth sa 2022, hindi sinang-ayunan ng Palasyo

Posibilidad na mag-collapse ang PhilHealth sa 2022, hindi sinang-ayunan ng Palasyo

MARIING tinutulan ng Malakanyang ang pahayag ng isang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ginawang pagdinig sa Senado na posibleng mag-collapse ang ahensya pagdating ng taong 2022.

Una rito, inihayag ni Nerissa Santiago, Senior Vice President ng Data Protection Office ng PhilHealth na maaaring mag-collapse ang ahensya sa taong 2022 bunsod ng pagbaba ng koleksyon nito, habang patuloy na tumataas ang benefit payouts sa gitna ng coronavirus disease 2019 pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque,  hindi nakadepende sa premiums nito ang pagpapatuloy ng operasyon ng PhilHealth.

Dagdag ni Roque, bilang isa sa mga nagsulong ng Universal Healthcare Law, hindi nila ikinonsidera ang premiums ng PhilHealth na siyang natatanging rason para manatiling buhay ang health insurance.

Giit ng Palace spokesman, alam nilang hindi makakamit ang libreng gamot at pagpapagamot kung premiums lamang ang pagmumulan ng gagastusin ng ahensya.

Sinabi pa ni Roque na sakaling maubos ang pera ng PhilHealth, pwedeng magbigay ng pondo ang gobyerno rito.

Ito ani Roque, ang dahilan kung bakit tinawag itong Universal Health Care at hindi medical insurance.

Samantala, patuloy ngayong araw ang motu proprio investigation ng House Committee on Public Accounts kaugnay sa mga iregularidad at alegasyon ng korupsyon sa PhilHealth.

Ayon kay Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor, dapat masagot sa hearing kung bakit hanggang sa ngayon ay talamak pa rin ang korapsyon sa ahensya.

Ayon kay Defensor, noon pa man ay binalaan na niya si PhilHealth President and CEO Ricardo Morales sa mga raket na ginagawa sa loob ng tanggapan kaya walang maipakitang Commission on Audit (COA) report ang PhilHealth noong nakaraang budget hearing.

Kabilang naman sa mga inimbitahan sa hearing ngayong umaga ay si resigned PhilHealth anti-fraud legal officer Thorrsson Keith na nag-resign sa pwesto dahil umano sa isyu ng korupsyon sa ahensya.

Sa isang pahayag, giit ni Defensor na dapat masagot ni Keith ang mga “spillages” o korupsyon sa PhilHealth para sa ikakaliwanag ng taumbayan.

Dapat din aniyang ikanta ni Keith kung sino-sino ang mga PhilHealth officials na sangkot sa mafia sa loob ng ahensya.

“Mr. Keith should explain what these spillages are, what are the instances of corruption in the state health insurance firm, and who are the officials and personnel involved.” Rep. Mike Defensor, Anakalusugan Party-list

 

Samantala, nais din paimbestigahan ni House Minority Leader Benny Abante ang mga alegasyon sa PhilHealth.

Sinabi ni Abante na nakakatanggap siya ng mga reklamo tungkol sa isang modus kung saan inilalagay na COVID-19 ang sakit ng isang pasyente kahit iba ang sakit nito para lamang makakuha ng malaking diskwento.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.