TINALAKAY ng Inter Agency Task Force ang posibilidad na gawing 21 araw ang mandatory isolation mula sa kasalukuyang ipinaiiral na 14-day quarantine sa mga inbound traveler.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr, ito ay para matiyak ang kaligtasan ng publiko mula sa mas nakahahawang bagong variant ng coronavirus disease o COVID -19.
Sa kasalukuyang umiiral na polisiya, ang lahat ng indibidwal na puwedeng makapasok ng bansa, kasama na rito ang returning Filipinos, spouses, at mga anak ng Filipino nationals, diplomats, at foreign officials na accredited sa Pilipinas, ay kailangang sumailalim sa COVID-19 testing at two-week quarantine.
Ibinahagi rin ng pamahalaan na sa Hong Kong ay nagpapatupad sila ng 21- araw quarantine sa mga bisita mula sa labas ng China simula pa noong Disyembre.
Paliwanag naman ng World Health Organization o WHO, ang incubation period ng COVID-19 ay tatagal ng labing apat na araw, ibig sabihin, maaaring lumabas ang mga sintomas matapos ang dalawang linggo pagkatapos ma-exposed ng coronavirus ang isang tao.
Mababatid na pinalawig pa ng pamahalaang Pilipinas ng hanggang Enero 31, ang ban sa pagpasok ng mga dayuhan mula sa higit tatlumpung mga bansa na may kumpirmadong kaso ng UK variant.
Ang mga Pilipino naman na pinahihintulutang makapasok ng bansa ay kailangang sumailalim sa COVID testing at tapusin ang kanilang mandatory quarantine.