Posibleng may nagtutulak kay House Speaker Martin Romualdez para maging presidente—Imee Marcos

Posibleng may nagtutulak kay House Speaker Martin Romualdez para maging presidente—Imee Marcos

PINALULUTANG ngayon ni Sen. Imee Marcos ang posibilidad na may nag-uudyok sa kaniyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez na maging pangulo.

Sa isang eksklusibong interview sa SMNI, sinabi ni Sen. Imee Marcos na simula pagkabata ng kaniyang pinsan ay hindi nito pinangarap ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

“Okay naman sina Martin. Ang barkada ko ay eldest brother niya, pero si Martin okay naman. Pero si Martin okay naman eh, ‘di ko maintindihan sino ang kumukwerdas jan, ‘di ko maintindihan kasi parang pa banjing-banjing lang si Martin pero iba na pala, bakit ganito. Siguro may tumutulak jan, may umuudyok. Biglang nagkakaganito na at nagugulat naman ako,” ayon kay Sen. Imee Marcos.

Ginawa ang paglalahad matapos iniugnay ng senadora si Romualdez sa kontrobersiyal na panunuhol sa mga botante para itulak ang Charter Change (Cha-Cha).

Sinabi ng nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na bagama’t walang pahayag si Romualdez na nag-uugnay sa kaniya sa bayaran o People’s Initiative (PI) ay lumulutang naman ang mga pangalan at numero ng mga staff ng House Speaker sa nagtutulak ng Cha-Cha.

“Kasi ‘yung mga huling text at utos sa iba’t ibang distrito, nangggaling ng rekta sa opisina ni Speaker Martin. Nagtataka ako kasi deadly deadline na nila kahapon, Jan 12,” dagdag ni Sen. Imee.

Matatandaan na una nang ibinunyag ng senador na nakatanggap siya ng detalyadong timeline tungkol sa diumano’y plano para isulong ang Cha-Cha.

Disyembre ng 2023 una nang sinabi ng House Speaker mula sa Visayas na itutulak nito sa 2024 ang Cha-cha pero tutukan lamang ng Kamara ang pagrebisa sa mga economic provisions.

Pero bago mag-Bagong Taon ay kalat na sa social media ang sumbong mula sa iba’t ibang distrito na pinangungunahan ng mga congressman ang pagpapirma sa petisyon na nagsusulong ng Cha-Cha.

Naniniwala si Sen. Imee na ang pagsusulong ng Cha-Cha ay hindi nagmula sa kaniyang kapatid na Pangulo.

Una na aniyang sinabi ng kaniyang kapatid na malabo ito para sa isang bansa na bumabangon pa lamang mula sa epekto ng pandemya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter