Posibleng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NCR, ibinabala

NAGBABALA ang University of the Philippines OCTA Research sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sanhi ng mga social gathering sa panahon ng holidays.

Ayon pa sa OCTA Research, maaring nasa bansa na ang bagong variant ng COVID-19 mula sa United Kingdom at ang mga selebrasyon gaya ng Feast of the Black Nazarene ay posibleng maging dahilan nang pagkalat nito.

Kabilang sa mga rekomendasyon ng OCTA Research ay ang patuloy na COVID-19 testing, contact tracing, mas palakasin pa ang kapasidad ng sistema ng pangkalusugan, pabilisin ang pagbili ng COVID-19 vaccine at umpisahan na sa lalong madaling panahon ang immunization program.

Ayon sa OCTA Research, dapat gawan ng paraan ng gobyerno ang sitwasyon sa NCR upang mapigilan ang patuloy pa na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa ngayon, ayon sa pag-aaral, mula January 4-10, ang Quezon City pa rin ang nanatiling may pinaka-maraming kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Samantala, ang Marikina naman ang may pinakamataas ng positivity rate.

Ito ay tinaguriang “LGU of concern” matapos tumaas ang daily cases sa 25 mula 11 noong mga nakaraang linggo.

SMNI NEWS