Posibleng pag-ban ng face-to-face campaign, masyado pang maaga para pag-usapan

INIHAYAG ng Palasyo na maaga pa para talakayin ang usapin hinggil sa plano ng Commission on Elections o Comelec na i-ban ang face to face campaign para sa eleksyon sa 2022.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na masyado pang maaga ang usaping ito lalo’t mag-uumpisa pa lamang ang inoculation campaign ng gobyerno laban sa coronavirus disease o COVID-19.

Gayunpaman, ani Roque, nirerespeto ng Malakanyang ang pahayag ng Commission on Elections at tiyak naman din aniyang mapag-uusapan din ito kalaunan ng Comelec kasama ang Inter-Agency Task Force.

“We respect that Comelec is the constitutional body tasked with the holding and supervision of elections. Pero, I’m sure the issue will be discussed beyond Comelec and will also include the IATF,” pahayag ni Roque.

Sa ngayon, sambit ng tagapagsalita ng Palasyo, mas maiging hintayin na lang muna ang mangyayari sa vaccination program ng pamahalaan gayong mayroon pa namang sapat na panahon.

Samantala, iginiit naman ni Roque na lahat ng pamamaraan sa pangangampanya ay ikinokonsidera, subalit problema nga lang aniya ay naririyan pa rin ang banta ng nakamamatay ng COVID-19.

Kaya mas mainam aniya na tingnan muna ang magiging estado ng coronavirus cases maging ang vaccination campaign ng gobyerno.

Ang pahayag ng Malakanyang ay makaraang sinabi ng isang mambabatas na tanging ang mga mayayaman at sikat lamang ang nakabebenipisyo ng pag-ban ng mga face-to-face election campaign habang mapagkakaitan naman ng pagkakataon ang mga mahihirap na mga botante.

Una rito, kapag patuloy na mananatili ang pandemya hanggang 2022, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na nangangamba sila sa lalong pagkalat ng virus lalo na at nakikipagkamay ang mga politiko na bahagi ng tradisyunal na sistema ng pangangampanya.

Kaugnay nito, sabi ng Comelec, pag-aaralan at pag-uusapan ang posibleng pagpapalawig ng mga panuntunan sa pangangampanya gamit ang radyo, telebisyon, internet, pahayagan at ang pag-amiyenda sa batas na may kinalaman sa eleksyon sa bansa.

SMNI NEWS