PUSPUSAN na ang ginagawang paghahanda ng Bureau of Immigration (BI) para sa posibleng pagdagsa ng mga papasok sa bansa ngayong papalapit na ang holiday season at mas nagiging maluwag na ang requirement sa mga nasa yellow at green list countries.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na bawal muna mag-leave ang kanilang mga personnel sa nalalapit na holiday season upang ma-maximize ang kanilang manpower.
Karagdagang 99 na immigration officers na rin ang nai-deploy sa mga paliparan at pantalan para makatulong sa pagpapabilis ng proseso.
“Mayroon din po tayong mga assigned marshals sa mga immigration areas natin who may guide po itong ating mga passengers that are arriving o kaya naman po iyong mga aalis para po sa tamang proseso,”ani Sandoval.
Muli na ring ipinagana ang e-gate na sinuspendi ang paggamit dati. Isinasailalim naman ito palagi sa sanitasyon para na rin sa kapakanan at kaligtasan ng mga pasahero at ng kanilang mga empleyado.
Tiniyak naman ng immigration official na mahigpit na ipinatutupad sa mga paliparan at pantalan ang minimum public health standards.
Masasabi ani Sandoval na handang-handa na ang BI sa paparating na holiday season.
“With regards sa operation ng immigration, lahat naman po ay in place na, nakalatag na po iyong added manpower natin, iyong technologies natin nakalatag na. So, we can say that we are ready,” aniya.
75% ng mga kawani ng BI sa buong bansa, fully vaccinated na vs. COVID-19
Iniulat din ng immigration official na 75% ng total manpower ng bureau sa buong bansa ay nakatanggap na ng kumpletong bakuna kontra COVID-19.
Karamihan sa mga ito ay ang mga naka-deploy bilang frontline personnels.
Ang iba namang kawani na hindi pa nababakunahan, ay inaasahang kumpletong matuturukan na rin pagsapit ng katapusan ng taon.
“Usually po, ito po iyong mga nag-aantay na lang ng kani-kanilang mga schedule o kaya naman po ay mayroon pa pong medical issues na hindi pa po sila nabibigyan ng clearance for vaccine,” paliwanag ni Sandoval.
Dagdag ng immagration official, pinalawig pa nila ang work hours ng mga empleyado kasunod nga ng pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila.
Ang mga kliyente naman na fully vaccinated ay exempted na rin sila sa pag-secure ng appointment sa head office ng BI.