HINDI makukumpirma ng Ukraine kung gamit nga ba talaga ng Russia ang missiles ng North Korea sa isa sa mga pag-atake nito laban sa kanila.
Kasunod ito sa sinabi ni United States National Security Council Spokesman John Kirby na sa pag-atake ng Russia noong Disyembre 30, 2023 sa Zaporhizhzhia Region ng Ukraine ay isang missile mula Pyongyang ang inilunsad nito.
Ayon pa kay Kirby, nakababahala ito lalo na’t nakikipag-ugnayan na rin ang Russia sa kanilang kaalyado na bansang Iran para sa karagdagan pang armas.
Kamakailan lang ay nagbabala na si Russian President Vladimir Putin na mas paiigtingin pa nito ang mga pag-atake sa Ukraine matapos inatake ang Belgorod City sa Russia kamakailan na ikinamatay ng 24 na sibilyan.
Malaki ang paniniwala ni Putin na Ukraine ang may pakana ng pag-atake sa Belgorod.