SINABI ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, tinitingnan nila ang lahat ng aspeto bago magrekomenda ng deployment ban sa Kongreso at Senado. Isa sa mga pinag-aaralan ay ang bisa at epektibo ng apat na ipinatupad na paghihigpit para sa deployment ng mga OFW. Kabilang dito ang pagbabawal sa mga first-timer, ang whitelisting ng recruitment agencies, ang pre-departure briefings, at ang monitoring system.
“So we are closely looking into those and whether not supisyente ba yong o kailangan bang dagdagan pa o kailangan bang mahigpit pa, so we are just giving ourselves, time to study all these and of course, we’re willing to work closely with the Senate and the House on this matter,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac.
Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang anim na libong (6,000) bagong hired na Pinoy workers sa Kuwait. Mas mababa ito kumpara sa mga nakaraang taon bago ipatupad ang deployment ban, na umaabot sa Labing limang libo (15,000) hanggang dalawampung libong (20,000) OFWs kada taon.
Matatandaan na noong Hunyo 2024 lamang inalis ang deployment ban sa Kuwait matapos ang pagkamatay ni OFW Jullebee Ranara. Dumating ang labi ni Jenny Alvarado noong Huwebes ng gabi, at isinagawa ang re-autopsy noong Biyernes sa pangangasiwa ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nabanggit din ni Cacdac ang mga isyu sa proseso na may kinalaman sa maling paghawak ng mga labi ni Alvarado, at tiniyak ng opisyal na magkakaroon ng mas mahigpit na hakbang upang hindi na magkaroon ng palitan ng mga labi bago ito ipadala sa Pilipinas.
“Of course, pinasusuri na natin sa Kuwaiti lawyer natin on the ground and then, with the view too, taking legal action kapag ang findings under Kuwaiti law ay may liability ang employer and in the case of the mistaken of shipment ay yung ating shipping handler, kayat pinag-aaralan natin ng maiigi ito and due time, we will take a necessary action,” ani Cacdac.
“My latest instruction to our labor attaché we met yesterday is to already send necessary letter of demand to the cargo service provider,” saad nito.