PINAG-aaralan ng PhilHealth na maisali sa kanilang benefit package para sa mga kidney transplant patient ang kinakailangan na mga post kidney medicine.
Karamihan sa mga Pilipinong sumasailalim sa kidney transplant ay walang kakayahang bumili ng mga kinakailangang post kidney medicines.
Ang anti-rejection medicines ay mga gamot na dapat inumin ng mga kidney receiver matapos ang operasyon.
“Kasi ang kidney na itatransplant sa katawan, foreign body iyan. Pag foreign body nire-reject ng katawan iyon so kailangan may inumin ang pasyente para tanggapin ng katawan niyan ‘yung trinansplant sa kaniya na foreign body na kidney from the other person. And that medicine is expensive,” pahayag ni Merla Rose Reyes, Head of Product Team for Special Benefits, PhilHealth.
Dahil diyan ayon kay Merla Rose Reyes ng Product Team for Special Benefits ng PhilHealth na kinakailangang tiyakin na makakakuha ang mga kidney transplant patient ng mga nasabing gamot.
Pinag-aaralan na aniya ng PhilHealth na maisali sa Z Benefit Package para sa mga kidney transplant patient ang mga gamot na kinakailangan matapos ang operasyon.
“This year we’re scheduled to work on the enhancement of the Z benefits of the kidney transplant. Kung makumpleto po namin ‘yung staff works, we are aiming to cover the post kidney medicines which was mentioned na ‘yun ‘yung mahal,” ayon kay Merla Rose Reyes, Head of Product Team for Special Benefits, PhilHealth.
Inaasahan na lalabas ang polisiya tungkol dito ngayong 2024 at ipatutupad sa taong 2025.
Inaaral na rin ng state insurer na isali sa package ang specialized service na magsisiguro na ang mga kidney na manggagaling sa mga diseased donor ay buhay at magagamit.
Sa ngayon ay hindi pa ‘yan kayang i-cover ng kasalukuyang P600,000 na benefit package.
Dialysis package, pinag–aaralang itaas ng PhilHealth
Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng PhilHealth na doblehin ang halagang sinasagot nito sa mga dialysis package.
Kasalukuyang nasa P2,600 ang halaga ng kada session.
“Parte iyon na mapag–aralan kung talagang dapat ma-increase siya into P5,200,” wika ni Abigail Romero Estrada, Chief Social Insurance Specialist, PhilHealth.
“In paying benefit packages, we rely on the available fund ng PhilHealth. Kung mayroon naman pong kapasidad ang PhilHealth na mabayaran ito at the rate of P5,200, magkakaroon pa rin po iyon ng pag–aaral,” dagdag ni Estrada.
Matatandaan na itinaas na ng PhilHealth ang bilang ng dialysis session sa 156 session.
Sa P2,600 na dialysis package, kasama na riyan ang gamot na kinakailangan ng pasyente.