Potensiyal ng cruise tourism sa Pilipinas, napakalaki—pribadong sektor

Potensiyal ng cruise tourism sa Pilipinas, napakalaki—pribadong sektor

BINUBUO ang Pilipinas ng libu-libong isla at talaga namang sagana ang bansa sa mga nagagandahang dalampasigan na daan din patungo sa iba’t ibang tourist destinations.

Dahil diyan ayon sa mga pribadong sektor, napakalaki ng potensiyal ng cruise tourism sa bansa.

Sa katunayan, marami nga umanong foreign cruise company ang nagkakainteres na gawing regular na ruta ang bansa.

“To tell you honestly, ang laki. Sabi nga po ng mga nakakausap natin na mga foreigners from other country, Philippines is a gem. They are so willing, willing to invest here. They want to have a voyage here, a regular route here,” ayon kay Rachelle Lopez, CEO, WMOC Group of Companies.

Mga dayuhang cruise company, hirap makapasok sa Pilipinas dahil sa dami ng proseso—pribadong sektor

Pero ‘yun nga lang ayon kay Rachelle Lopez ng WMOC Group of Companies marami ang nahihirapan na mga cruise company dahil sa dami ng mga prosesong dadaanan bago makapasok sa Pilipinas mula sa mga permit hanggang sa mga dokumento ng mga pasahero.

“Itong mga barkong dadaong na cruise line dito hindi naman overnight to eh. They only have barely like eight hours para mag-stay sa isang puerto. Kailangan tayo magkaroon ng isang magandang sistema. Like ‘yung sinasabi natin na one-window policy,” saad ni Lopez.

Aniya dapat umano naka-online na ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento.

Para sa isang shipping company, panahon na para tutukan ng gobyerno at tiyakin ang ‘ease of doing business.’

“’Yung proseso ng pagpasok ng barko, ‘yung pagbaba ng mga turista from the vessel, it takes time now.  We need to improve. We need to simplify the process. Kasi ‘yun ang unang makikita ng mga turista na kapag nandito sila sa Pilipinas ang tagal makababa kasi iki-clear pa ‘yung barko,” ayon naman kay Capt. Ronald Enrile, SVP, PTC Ship Management.

Pagpatatayo ng mas maraming imprastraktura sa mga tourist destination, pinatutukan ng private sector sa gobyerno

Dapat ding iprayoridad ng gobyerno ayon kay Captain Ronald Enrile ng Philippine Transmarine Carrier Inc. ang pagpapatayo ng mas marami pang imprastraktura sa mga tourist destination.

Iyan ay para makahikayat ng mga cruise company na gawing regular na ruta ang bansa.

“We have a lot of nice tourist spots but the issue is the infrastructure. We have to have access, roads, hospitals, and everything that tourists needs. Kailangan natin ng government assistance for us to promote our country as a destination,” dagdag pa nito.

Expo Maritime Ph, isasagawa sa layong maiangat ang cruise travel at maritime tourism sa bansa

Kaugnay niyan, idadaos ang Expo Maritime Philippines sa layong maiangat ang cruise travel at maritime tourism sa bansa sa darating na Hulyo 11, 2024.

 “This maritime expo is one avenue to help the government. Kasi inopen na ng private sector itong issues. So, what we are asking the government during the convention ipakita niyo what we can offer to the world na ito ang ginagawa namin, ito ang improvement namin para maging destination tayo,” ani Capt. Enrile.

Pagpapatayo at pagpapaunlad ng mga tourism infrastructure, tiniyak ng DOT

Una na ring tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na kasalukuyang tinututukan ng gobyerno ang pagpapaunlad ng mga imprastraktura gaya ng mga paliparan at kalsada.

 “The public private partnership process initiated by the national government through the Department of Transportation is now ongoing. And we are eager to see this PPP process to come into fruition in order the airport may be expanded and improved because it is our job to ensure that the tourist journey is as convenient, safe, and pleasurable as possible. On the aspect naman of roads we have a convergence with the Public Works and Highways and patuloy po ‘yung ating tourism road infrastructure project,” ayon kay Secretary Christina Garcia-Frasco, Department of Tourism.

Sabi pa ni Tourism Sec. Christina Garcia-Frasco na nakapagsumulite na rin sila ng budget proposal para sa karagdagang kalsada sa mga emerging tourist destination ngayong 2024.

Maliban dito, kabilang sa mga itinatayo rin ng DOT ay mga tourist rest area na layong magbigay ng kaginhawaan sa mga turista gaya ng malinis at malawak na comfort room.

Follow SMNI NEWS on Twitter