PPA General Manager, hinarap ang mga truckers at brokers

PPA General Manager, hinarap ang mga truckers at brokers

SINAGOT ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang mga katanungan ng mga truckers at brokers sa katatapos lamang na pagpupulong ng mga miyembro ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) nitong Abril 26, 2023.

Malayang nagkaroon ng diskusyon lalo na sa kontrobersiyal na Trusted Operator Container Registry and Monitoring Program (TOP-CRMS) na tinututulan ng ilang negosyante at mga shipping lines.

“Alam niyo ho, itong TOP-CRMS, kakampi niyo ho ang PPA dito. Kami po ay gumagawa lamang ng solusyon sa mga problema na idinulog sa amin. Kung mababasa niyo lang yung Revised Implementing Operating Guidelines TOP-CRMS, ang pangunahing layunin po nito ay para sa inyo, para maibaba ang logistics costs at sa parte naman po ng PPA, para po mas maging efficient yung operations area ng mga terminal natin. Sa kabuoan, para po ito sa inyo talaga,” pahayag ni Jay Santiago, PPA, General Manager.

Natanong din ng mga miyembro ng CTAP ang tungkol sa Terminal Appointment Booking System (TABS) na isa ring issue ng mga truckers at brokers na nais masolusyunan.

“May mga maliliit na issue na kailangan nating ayusin, ang papel po natin ay i-facilitate yan at to make sure na maging maayos ang sistema, mas maayos pa sa kasalukuyang TABS,” ani Santiago nang matanong ng isang trucker ukol sa pagpapatupad ng TABS.

Dahil dito, magpapatawag muli ng pagpupulong ang PPA kasama ang Agricultural Training Institute (ATI) at International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) at 15 representante ng CTAP sa Mayo 15, 2023 para pag-usapan ang TABS at iba pang issues na nakaaapekto sa mga truckers.

Natanong din ang isyu ng mandatory compliance sa tree planting na una nang ibinaba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sinunod at sinimulan ng PPA na ipinatutupad bago makakuha ng permit to operate.

Accredited naman po ako ngayon, pero hindi pa po ako nakakapagtanim ng puno. Mag e-expire na po kasi yung lisensiya ko, ibig sabihin po ba nito, hindi mo na ako ire-renew dahil hindi ako nakapag tree planting?” tanong ni Valery Mendiola, Quicktrans Operations Manager.

Ani Santiago, walang lisensiya na makakansela kahit na hindi pa makapag-comply sa tree planting requirement.

Nag-aantay na lamang din ang PPA ng paglilinaw sa DENR hinggil sa isyu partikular ang proseso at paraan ng pagtalima sa nasabing tree planting requirement.

“Kung nakapagtanim po kayo, okay. Pero kung hindi naman po kayo nakapagtanim dahil walang ma-identify na tree planting location ang DENR, may magagawa po ba ang PPA? Basta alam kong may obligasyon tayo na makapagtanim ng puno ayon sa regulasyon at pagdating ng takdang oras na may proseso na ang DENR, inaasahan naming magko-comply na kayo. Kasi s’yempre para po sa mga ilang negosyante, ang tingin palagi d’yan ay dagdag pasanin ang pagtatanim ng puno. Pero lahat naman tayo sa paniniwala ko ay may obligasyon na maging responsable sa ating kalikasan,” dagdag ni Santiago.

Ikinatuwa naman ng presidente ng CTAP na si Mary Zapata ang natapos na pagpupulong na naging daan umano para malinawan ang mga miyembro nito.

“Lahat halos na-touch natin. Admittedly ‘yung isang kasamahan natin, puro against at ‘yung against dito, they showed and done a lot of actions at talagang very vocal against PPA and obviously supporting other parties,” ayon kay Mary Zapata, CTAP President.

Kaugnay nito, ikinatuwa naman ng mga dumalo ang mga pagbabagong dulot ng pulong dahil kasado na ang pangakong quarterly meeting ng PPA at mga truckers at brokers, para pag-usapan ang mga hinaing at problema na kinakaharap nito at makapagbigay ng agarang solusyon kaysa magsagawa ng mga protesta na wala namang naidudulot na mainam na solusyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter