Preliminary investigation sa kaso ni Christine Dacera, uumpisahan ngayong araw

NGAYONG araw ang itinakdang petsa para sa preliminary investigation sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Batay sa tatlong pahina ng resolusyon na pirmado ni Makati City Prosecutor Dindo Venturanza, maaari pa rin umanong ibalik sa piitan ang mga personalidad na na-release kung may iba pang kasong ipupukol laban sa kanila.

Matatandaang,  nitong nakalipas na araw, ay pinayagan ng piskalya na makalaya muna ang ilang suspek na sina John Pascual de la Serna, Rommel Galido at John Paul Halili habang iniimbestigahan pa ang kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Kasabay nito ang patuloy na paghahanap sa iba pang sangkot sa Dacera case para maisalang din sa inquest proceedings na ginawa sa naunang tatlo.

Pero batay sa rekord ng PNP-CIDG, lima palang mula sa walong suspek ang tumugon sa 72 hour ultimatum na ibinigay ng PNP sa mga ito.

Bagamat mga abogado lang ang nagsumite ng kanilang tugon sa subpoena sa kanilang mga kliyente at sinabing handa naman nilang iharap ang mga ito kung kakailanganin.

Samantala, kaugnay nito, nauna nang hinimok ng mga otoridad ang mga isinasangkot sa kaso sa Dacera case  na hinarap na upang malinawan ang kaso.

Hinimok din ng mga otoridad na mas mainam na iharap at paghandaan sa piskalya at korte ang mga ebidensiya, kaysa isapubliko ito sa social media.

Nauna nang naipakalat sa internet ang autopsy report, CCTV footage at iba pang ebidensiya sa kaso na kumuha ng atensiyon sa publiko para magkaroon ng iba’t ibang reaksiyon, komento at istorya hinggil sa kaso.

Samantala, wala namang timeline na ibinigay ang NBI kung kailan tatapusin ang imbestigasyon nila sa kaso matapos bigyan ng panahon ang PNP na mangalap ng karagdagang ebidensiya na magpapatunay sa rape-slay case na ipinila nito laban sa mga suspek.

Bukod sa NBI, patuloy pa rin ang pangangalap ng ebidensiya ng PNP Special Investigation Task Group kaugnay sa kaso.

Giit ni (NBI) Deputy Director Atty. Ferdinand Lavin na may krimen na nangyari kaugnay sa ginagawang pagsusuri o autopsy sa bangkay ng flight attendant na si Cristine Dacera.

Ayon kay Lavin, mayroong magandang indikasyon na may nangyaring krimen sa pagkamatay ni Dacera  kung saan maaaring isa o higit pa ang gumawa nito.

Sa ginagawang imbestigasyon ng NBI, sinabi ni Lavin na mahigit na sa 50 percent ang kanilang pag-iimbestiga sa kaso sa kabila ng deklarasyon sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kung saan ang kaso ay maituturing na raw na “case solved.”

Sa ngayon, ayon kay Lavin ay wala pang classification ang NBI kung ang kaso ay solved o unresolved pa.

“Without commenting on another investigation, our investigation will be very legal, thorough forensic- and evidence-based  so we will have scientific pieces of evidence. It will be backed up by CCTV, digital pieces of evidence, electronic pieces of evidence. It will be backed up by, hopefully, a testimonial evidence,” ayon kay Lavin.

“We have also some psychological assessment going into their full range of forensic capabilities,” dagdag ni Lavin.

Inatasan naman ang investigating prosecutor na si Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan na pangunahan ang preliminary investigation sa ganap na alas-dyes ng umaga.

SMNI NEWS