TIWALA ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi maaapektuhan ang preparasyon ng komisyon para sa May 12 elections sa kabila ng impeachment complaint ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang impeachment complaints ay natanggap na rin ng Senado.
Sakalit uusad ang impeachment trial sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay uupong mga senator judge ang 24 na mga senador.
7 sa kanila ay mga reelectionist.
“Hindi naman po ‘yan related sa paghahanda ng COMELEC sa ating halalan. At the same time, ‘yan man ay makakagambala sa halimbawa sa kanilang palagay para sa kanilang senador hanggang sa miyembro ng sanggunian, ‘yan po ay political. As far as the COMELEC is concerned, it will not affect our preparations. It will not affect the conduct of the elections,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Sakalit gugulong ang trial sa panahon ng campaign period, at magkakaroon ng exposure o media mileage ang mga re-electionist na senador, sinabi ni Garcia na hindi ito maikukonsiderang pangangampanya.
Ang haba ng posibleng exposure nito sa mga balita ay hindi makaaapekto sa limit ng oras ng kanilang pangangampanya gamit ang telebisyon o radyo.
“Basta po ang isang personalidad maari’y siya ay nakaupo o maaring ngayon ay tumatakbo at siya ay naging parte ng balita, dahil walang magagawa dahil siya ang balita, ‘yan po hindi kasama sa tinatawag na time allocation at the same time hindi kasama sa kinakailangang bayad o equivalent na amount para doon sa time na nilabas niya doon sa TV. Magkaiba po ang balita at pagpo-promote ng kaniyang sarili.”
“Kung talagang nagkataon lang na parte siya ng balita, ‘yan po ay hindi dapat i-take against him because that would violate the freedom of the press,” ani Garcia.
Si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, una nang naglabas ng sentimyento sa timing ng pagpapasa ng impeachment complaint gayong panahon na ng kanilang pangangampanya.
Panukalang batas para ipagpaliban ang BARMM Parliamentary Elections sa May 12, lusot na rin sa Senado
Samantala, lusot na rin sa ikatlong pagbasa ng Senado ang panukalang batas na nagpapaliban sa Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa Mayo 12.
Sakali’t ito’y maging batas at maililipat sa ibang buwan o taon, mangangailangan ng karagdagang pondo para sa naturang eleksiyon.
Ayon kay COMELEC Chief Atty. George Garcia, P2.5B ang kakailanganin nilang pondo para sa honoraria ng mga guro na magsisilbi sa naturang eleksiyon at sa mga kagamitan na gagamitin sa halalan.
“65 percent po ng gastos sa isang eleksyon lagi ay bayad o honoraria ng mga guro lalo pat hindi tayo papayag na hindi magkakaroon ang mga guro ng dagdag na honoraria. Kasama rin po sa 2.5B yong tinatawag na pagiimprenta ng mga balota. Separate po ito ng pag-iimprenta ng balota at syempre magrerelease po ulit tayo ng makina,” dagdag ni Garcia.
COMELEC, gagamit ng ibang makina kasunod ng posibleng resetting ng BARMM Parliamentary Elections?
Para sa BARMM elections, mahigit 3 libong makina ang kakailanganin ng komisyon para sa 2.3M na boboto.
Ayon sa COMELEC, pagdating sa gagamiting makinarya, maaari nilang maging opsyon kung magpapalit sila ng bagong service provider o hindi.
Sa kasalukuyan, ang service provider ng poll body ay ang South Korean firm na MIRU Systems.
“Titingnan natin ‘yong performance nila sa darating na halalan. To see is to believe muna tayo. Kaya nga po ang ginawa ng COMELEC hindi tayo bumili ng makina ngayon. Nagrent at naglease lang tayo. Tingnan lang natin kung maayos ba talaga sila,” ani Garcia.
COMELEC, nakapag-imprenta na ng 14-M balota
Samantala, base naman sa update ng COMELEC, nasa mahigit 14 na milyong balota na ang kanilang naimprenta para sa national at local elections.
Ang printing ng balota ay kasakuluyang ginagawa sa National Printing Office (NPO), gamit ang 4 na Cannon Printing Machines ng NPO at 2 HP Printing machines ng Miru.
72M balota ang target na maimprenta ng poll body hanggang Abril 14.
Sa ngayon ay 57M balota pa ang hinahabol na maimprenta ng komisyon.