IGINIIT ng Embahada ng China na hindi Chinese maritime militia ang nasusumpungan sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea (WPS) taliwas sa naiulat.
Ayon sa embahada, ang mga namataan ay mga Chinese fishing vessels lamang na sumilong sa lugar dahil sa maalong karagatan.
Ayon sa embahada, ang Niu’e Jiao o ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng Nansha Qundao ng China.
Sinabi rin nito na dapat kalmadong tugunan ang nasabing sitwasyon at hindi makatutulong ang anumang ispekulasyon sa usapin.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na naghain ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China dahil sa isyu.
Kinumpirma rin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang presensya ng 183 barko ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Patuloy na minomonitor ang sitwasyon sa karagatan sa Juan Felipe Reef (Union Reef) sa West Philippine Sea (WPS) na nakalokasyon sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sinabi ni Sobejana, prayoridad ng AFP ang proteksyon ng mga mamamayan Pilipino lalo na ang mga mangingisda sa lugar sa pamamagitan ng pagdadadag ng maritime patrols.
Ayon kay Sobejana, patuloy na itaguyod ng AFP ang “peaceful, principled, and rules-based approach” sa pagresolba sa mga isyu sa West Philippine Sea.
Kamakailan lang ay inireport ng Philippine Coast Guard ang nasa 220 Chinese fishing vessels na pinaniniwalaang lulan ng Chinese maritime militia personnel na nakaangkla sa palinyang pormasyon sa Julian Felipe Reef noong Marso 7.
(BASAHIN: Julian Felipe Reef, patuloy na minomonitor ng AFP matapos pasukin ng Chinese vessels)