KINILALA ni incoming President Bongbong Marcos ang mga nagawa ni Pangulong Roa Rodrigo Roa Duterte para sa bayan.
Punong-puno ng pasasalamat ang naganap na “Salamat PRRD” thanksgiving concert nitong Linggo sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Ang concert ay para pasalamatan ang mga nagawa ni Pangulong Duterte para sa bayan.
Mula umpisa ng kanyang kampanya noong 2016 elections at kahit patapos na ang kaniyang termino, mala-rock star pa rin ang pagtanggap sa kanya ng mga Pilipino.
Ang natatanging Pangulo ng Pilipinas na napanatili ang mataas na trust at approval rating sa buong termino.
Tapang at malasakit- mga karakter ni PRRD na nagpabago sa anyo ng pulitika sa bansa.
Ang nagpataas ng antas ng serbisyo-publiko at ang nagpaangat sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Kaya hindi nakapagtataka na may engrandeng thanksgiving concert para sa kanya.
Saludong-saludo si President-elect Bongbong Marcos sa papaalis na Pangulo.
Aniya, kaisa siya sa hangarin ng Salamat PRRD Thanksgiving Concert na pasalamatan si PRRD.
“Syempre ang isa ring mag-transition sa pagiging private citizen naman ay ang ating mahal na si PRRD. Nakikita natin ang pagparating ng pasasalamat ng ating mga kababayan para sa kanyang ginawang pagseserbisyo nitong nakaraang anim na taon. At kasama na rin ako diyan na magpaparating ng aking pagsaludo at pasasalamat para sa kanyang makasaysayan na pamunuan,” pahayag ni President-elect BBM.
Kinumpirma rin ni President-elect BBM na pinasalamatan niya nang personal si PRRD nang magkita sila kamakailan sa Davao City.
Tiniyak din ni PBBM sa outgoing President ang continuity sa mga programa ng Duterte administration sa ilalim ng kanyang termino.
“Pinasalamatan ko siya (PRRD) dahil kahit papaano sinuportahan kami ni Inday Sara, pati ako. Tiniyak ko sa kanya na ‘yung mga proyekto niya na nakabuti sa ating bansa ay papagpatuloy ko,” ani PBBM.
Sa ngayon ay abalang-abala si PBBM sa paparating niyang inagurasyon sa Hunyo 30 sa National Museum.
“Maraming nagtatanong, ano ba ang mangyayari sa inagurasyon? Ano ba ang mga pakulo? Naku! Isa lang ang matitiyak ko, ito ay magiging taimtim na seremonya. More or less, traditional pa rin ang gagawin, hindi na kami lilihis pa sa nakagawian. Ang mahalaga ay kasama ko ang buong pamilya ko, kasama ko kayo na manonood live online at higit sa lahat, sana makisama ang panahon dahil tag-ulan na nga,” ani PBBM.
Abala rin ngayon ang bagong Pangulo sa pagbuo ng kanyang gabinete.
Sa ngayon, ang mga kalihim ng DOH at DOE ay ilan lamang sa malalaking ahensiya na wala pang pinapangalanan si PBBM na hahawak.