MINOMONITOR ng Department of Health (DOH) ang suplay at presyo ng oxygen sa mga lugar na kabilang sa NCR Plus bubble habang patuloy na tumataas ang demand nito ngayon.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa Department of Trade and Industry o DTI para ma-regulate ang presyo ng mga oxygen sa merkado.
Sinusubaybayan din ng DOH ang distribusyon ng mga kasalukuyang stocks ng oxygen sa NCR Plus bubble.
“We are now coordinating with DTI to regulate the prices of oxygen in the market, and also monitor the use and the current stocks of oxygen in the NCR+ bubble,” pahayag ni Vergeire.
Ang mga taong tinatamaan ng COVID-19, mild man o severe, ay madalas nakakaranas ng silent hypoxia, isang kondisyon kung saan ang oxygen levels ng katawan ay higit na bumababa.
Sa pag-aaral sa Lima, Peru, isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga in-hospital COVID-19 patients ang oxygen saturation na mas mababa pa sa 90%.
Sa pinakahuling datos naman ng DOH, 85% ng Intesive Care Unit o ICU beds sa National Capital Region ay okupado na, ibig sabihin dumarami rin ang nangangailang ng oxygen tanks.
Samantala, saad din ni Vergeire ginagawa rin ng pamahalaan ang lahat para maka-access sa mga investigational drugs ang bansa na ginagamit bilang gamot sa mga covid-19 patients.
Matatandaang nagpahayag ang kagawaran na kulang na ang suplay ng Remdesivir at Tocilizumab dahil sa biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NCR Plus bubble.
Pansamantala ring itinigil ng bansang India, ang tinaguriang pharmacy of the world, ang pag-i-export ng Remdesivir sa ibang bansa dahil hindi na rin sapat ang suplay nito sa naturang gamot.
Pagtitiyak naman ng DOH Undersecretary nakikipag-unayan na ang Pilipinas sa India.
“As to Remdesivir we are now coordinating with the Government of India dahil nagkaroon sila ng export ban pero meron na po tayong mga initial doses na atin po sanang matatanggap eh inabot po tayo nung ban na yun kaya ngayon po nakikipag-usap tayo para mapalabas ang ating mga produkto at makarating dito sa ating mga ospital,” ani Vergeire. 34:32
Kinumpirma naman ni FDA Chief Eric Domingo na may magagamit na ang mga ospital dahil darating na ang suplay ng mga naturang experimental drugs ngayong linggo.
“According to suppliers, Remdesivir is available, Tocilizumab will be available this week,” saad ni Domingo.