SA panayam ng SMNI News, ibinahagi ni Engr. Rosendo So, Presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang mga inilatag na mga plano noong nakaraang taon ay dapat naipatupad ng mas maaga upang mapanatili ang mababang presyo sa Metro Manila.
Aniya, iminungkahi na nila sa National Economic and Development Authority o NEDA ang pagtatakda ng presyo upang maiwasan ang pananamantala ng mga middleman.
“‘Yung imported kung makita mo at least ‘yung dating 60 plus ngayon nasa 48 pesos. Dapat nakita natin na maganda naman ‘yun at least hindi na masyado mataas ‘yung imported rice,” pahayag ni Engr. Rosendo So, Presidente, SINAG.
Sa usapin ng lokal na ani, binanggit ni Engr. So na ang local mill ay nabebenta na sa halagang P38 hanggang P42 kada kilo. Bukod dito may mga lokal na rice miller na nag-aalok ng mas mababang presyo kumpara sa NFA rice.
Naka subaybayan rin umano ang mga awtoridad sa mga sakahan, biyahero, at retailer upang matiyak ang pagsunod sa itinakdang presyo.
Sa usapin naman ng karneng baboy, inihayag ni Engr. So na ang presyo ng imported na karne ay mas mababa kumpara sa lokal.
“Lalo yung sa Mindanao, mas mababa ang presyo doon na sa P230-P320. Dito sa Luzon naman sa Northern part umabot ng P340-P360. Mas maganda is hindi ganun kalayo ‘yung presyo para at least mabilis din ang paglabas ng local na karne dito sa ating bansa,” ani So.
Ayon pa kay So, bagama’t may naitatalang kaso ng ASF subalit hindi na ito kasing lawak ng dati.
Dagdag pa nito nito na sa mahigit 28K doses ng bakuna laban sa ASF ang naipamahagi na sa mga hog raiser.
Inaasahan ding makakabawi ang lokal na produksyon ng baboy pagsapit ng Agosto ngayong taon.
“‘Yung growth medyo babagal iyan kung iinit, mostly naman may fund naman ang mga raiser at yung mga producer ng pork so wala tayong nakikitang problema,” dagdag niyang paliwanag.
Sa huli, umaasa si So na maaaprubahan ng Food and Drug Administration ang dagdag na bakuna pagsapit ng Abril.