PATULOY na iniinda ng mga retailer sa ilang palengke sa Metro Manila ang pagtaas ng presyo ng isda, lalo na ng galunggong—isang staple sa hapag ng maraming Pilipino tuwing Semana Santa.
Halos magtatanghali na pero marami pa rin ang tindang isda ni Ate Rosemarie sa Kaunlaran Market sa Quezon City.
Ang inaasahan sana niya, dagsa ang mamimili ngayong papalapit ang Semana Santa—lalo’t nakasanayan na ng maraming Pilipino na isda ang pangunahing inihahain sa ganitong panahon sa halip na karneng baboy.
“Tumaas talaga ‘yung galunggong… hindi nila kaya ‘yung P250 to P300… Halos P50 nga ang kilo. Dati kasi P150 lang, ngayon umaabot ng P300 depende pa ‘yan sa laki,” wika ni Dicky Prias, tindera ng isda.
Kaya si Aling Martina Ramirez, todo-budget mapagkasya lang ang dalang pera.
“‘Yan ay i-stock na namin para ilang araw… isang bilihan lang para hindi na pabalik-balik… para hindi na magastos masyado… mahal po,” ani Martina Ramirez, mamimili.
Dahil sa matumal na bentahan ilang araw bago ang Semana Santa, sa Kaunlaran Market sa Quezon City ay may diskarte ang mga retailer para maubos ang kanilang mga panindang isda.
“Tinutumpok-tumpok na lang namin kasi kapag per kilo ay inaayawan nila… tulad ng galunggong dapat nga ay per kilo ‘yan… P250 dapat halos ang kilo niyan. Pero, ngayon P170 lang to P180… ‘yung isang tumpok ng galunggong,” saad ni Dicky Prias, tindera ng isda.
Pero hindi lang panindang isda ang matumal ngayon. Maging ang bentahan ng karneng baboy, apektado rin.
Si Aling Rosalie, nagbawas muna ng suplay ng karne na kanyang ibebenta sa nasabing palengke.
“Sobrang tumal, mahal na nga sobrang tumal pa sa ganitong panahon… ‘Yung iba kasi ay may nabibili na mga frozen na mura lang… ‘yung iba kasi ay nagninilay-nilay, gusto nila ay isda lang.”
“Ang baboy namin ay isang buo lang… para maubos kaagad,” ani Rosalie Adalla, tindera ng baboy.
Sa katunayan, bumaba na aniya ang benta ng karneng baboy ni Aling Rosalie, na ngayon ay nasa P370 kada kilo para sa kasim at pigue, habang umaabot naman sa P380 ang liempo.
Mas mababa ito kumpara sa dating presyo na lumalagpas pa sa P400 kada kilo, ngunit kahit pa may kaunting pagbaba, hindi pa rin umaangat ang bentahan.
Samantala, una nang ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) na nagsimula na silang magsagawa ng mahigpit na monitoring sa mga palengke na hindi sumusunod sa itinakdang Maximum Suggested Retail Price (SRP) para sa karneng baboy.
Kabilang sa mga palengke na kanilang nabantayan ay ang nasa Mandaluyong, Pasay, at Maynila.