Presyo ng ilang agri products, tumaas bago ang Pasko at Bagong Taon sa kabila ng sobrang suplay

Presyo ng ilang agri products, tumaas bago ang Pasko at Bagong Taon sa kabila ng sobrang suplay

PAPALAPIT na ang Pasko, at kasabay nito ang paghahanda ng bawat pamilya para sa Kapaskuhan.

Ngunit, handa na ba ang inyong bulsa para sa mga gastusin ngayong Pasko? Maglista at magtakda na ng limitasyon sa paggastos lalo na ngayon na mas tumaas pa ang presyo ng mga bilihin lalo na sa karneng manok at baboy.

Hindi lumalagpas sa limang libong piso ang inilalaan na budget ni Aling Emmalyn para sa pang-handa niya tuwing Pasko.

Kung noon, marami na aniya siyang nabibili sa nasabing halaga—karneng baboy, manok, at prutas.

Pero, ngayon ay posibleng magbabawas na ito ng lulutiin dahil sa sobrang mahal na aniya ng mga bilihin sa merkado.

“Halimbawa kung mayroon kang dati na, apat na klase—nagiging tatlong klase basta mayroon kang manok, mayroon kang baboy at mayroon kang seafoods, mahirap na talagang budgetin ang pera ngayon,” wika ni Emmalyn Vinas, Mamimili.

12 araw na lamang bago ang Pasko ay mas tumaas pa ang presyo ng karneng manok at karneng baboy na pangunahing handa nating mga Pilipino.

Ang patuloy umano na nararanasan ng mga mamimili ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayong Kapaskuhan—ito ay dahil umano sa mataas na demand, inflation, at iba pang isyu sa supply chain.

Ang meat vendor na si Vanessa ay hindi napigilan na maglabas ng hinaing dahil sa matumal na bentahan ng karne na sinabayan pa ng pagtaas ng presyo nito.

Luging-lugi na nga aniya sila dahil tumaas ng kinse hanggang P20 ang patong ng mga biyahero sa mga karneng ibinabagsak sa kanila.

“Nakaka-3 times na ng taas simula pumasok ang December, kapag nasasabi niyo pong mataas ang presyo anong ginagawa ng mga customer? ‘Yung iba ay nakakaintindi ‘yan bumibili lalo na kapag pang-ulam nila okay lang. Pero, kung pangtinda, ‘yung mga nagca-canteen o nagre-restaurant aalis,” ayon kay Vanessa, Meat Vendor, Pasay Public Market.

Bukod sa pagtaas ng presyo—hamon din sa kanila o kakumpintensya rin nila sa palengke ang ilang meat vendor na nagtitinda ng imported frozen meats na mas bababa ang presyo kaysa sa sariwa.

Sa ngayon anila kasi ay naglalaro pa rin sa P300 hanggang halos P400 ang presyo ng sariwang karneng baboy habang naglalaro lang sa P200 hanggang P250 ang imported frozen na karneng baboy.

Pero, hindi ka lang sa baboy mapapapikit sa presyo.

Ang karneng manok kasi ay nasa P200 hanggang P220 na kada kilo na malayo sa dating presyuhan nito na P160 hanggang P170.

Ang isang tindera ng manok sa Pasay Public Market ay kakaunti lang ang nakuhang suplay mula sa kaniyang supplier.

“Hindi ganon karami ang dumating lalo kanina kaunti lang ang dumating. Ang sabi ni Secretary kanina ay ang risonableng presyo lang dapat ng manok ay nasa P170. Wala pa sa puhunan ‘yun eh, namuhunan tayo nung isang klase ay P185, hindi siya uubra ng P170 lugi pa kami,” wika ni Irene Ventura, Tindera ng Manok.

Dagdag pa niya, asahan pa nga ang pagtaas ng presyo ng manok sa mga susunod na araw o habang nalalapit ang Pasko at Bagong Taon.

Kaya, panawagan niya…

“Sana makontrol nila ‘yung pagtaas kasi naman kung ano lang ‘yung baba rito ay magpapatong lang kami ng risonableng patong,” dagdag ni Ventura.

Kaugnay niyan, nagsagawa ng inspeksiyon si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Pasay public market na sinasabing isa sa mga pamilihan sa Metro Manila na may pinakamataas na presyo ng bilihin.

Inamin ng kalihim sa pag-iikot nito na mas tumaas ang presyo ng mga bilihin partikular na ang mga agricultural products.

“Sa ngayon kasi ay Pasko, we cannot or hindi natin mapigilan na tumaas ang presyo ng kaunti lalo na kasabay na ‘yung may ASF pa sa baboy.”

“I think ‘yung presyo ngayon ay ito na ‘yun hindi na dapat tumaas kasi halos peak na ito tingin ko no. Kung mayroon mang itaas ay dapat 5% na pero tingin ko ay ito na ‘yun medyo mataas na ito,”

saad ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.

Ilan aniya kasi sa dahilan ng pagtaas sa presyo ng karneng baboy ay ang patuloy na pagkalat ng African Swine Fever (ASF)—sa karneng manok naman ay posible dahil sa demand nito kaya’t mataas ang presyo pero sapat naman aniya ang suplay.

Ngayong nalalapit ang Pasko at Bagong Taon may panawagan ang kalihim.

“Okay lang naman kumita huwag lang sigurong nang-abuso,” ani Laurel.

Pero, giit naman ng mga meat vendor na hindi nila kasalanan ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin—anila hanapan aniya sila ng DA ng mapagkukuhanan ng murang suplay upang maibaba nila ang presyo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble