SA pag-iikot ng SMNI News Team, napag-alaman na doble ang pagtaas ngayon ng ilang gulay sa mga pangunahing pamilihan.
Sa tatlong mega market katulad ng Q Mart, Commonwealth Market sa QC at Pasig Mega Market ay pare-parehong may pagtaas.
Gaya na lamang ng bell pepper na nasa P350 ngayon ang bentahan na nasa P250 lang dati.
Gayundin ang broccoli na nasa P180 lang per kilo dati ay umakyat na ito sa P250 kada kilo.
Pati ang luya na mabisang panlaban sa COVID-19 ay nagtaas din.
Ilan pa sa mga tumaas ay ang kilo ng kalamansi na nasa P180 lang ay P120 na ngayon kada kilo.
Ang repolyo na dati P30 lang per kilo ay P60 na ngayon.
Maging ang radish ay nagtaas din dahil kung dati rati ay P40 lang ito kada kilo ay domoble ang presyo nito ngayon.
Pati ang cooking oil, nagtaas na rin kaya ang mga tindera no choice kung di magtaas din ng presyo.
Dahil dito, ang mga mamimili ay todo budget sa pagbili.
Ayon sa mga tindera, dahil kapos ang supply kaya may pagtaas sa presyo.
Iba pa ang gastusin sa pagbili ng produktong ibebenta nila sa pamilihan lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.
Samantala, ang mga tindera sa Q Mart at Commonwealth Market sa Quezon City, takot na ngayon magtinda ng imported carrots hindi dahil sa presyo kung di dahil mainit ang isyu ng smuggled carrots ngayon.
Ito ay kasunod na rin ng ginawang hearing sa Senado dahil sa talamak na pagpasok ng smuggled na carrots galing sa bansang China.
Lumalabas na mayroong technical smuggling dito.
Ayon sa mga tindera, ayaw nilang madamay at baka sila ay makulong lalo pa’t may nagmamanman sa kanilang itinitindang gulay.
Ayon sa iba pang tindera, maliban sa fresh carrots ay talagang nilalahukan nila ang kanilang tinda ng imported carrots kasi hinahanap ng kanilang customer.
Sa imported carrots daw kasi, wala na itong mahabang tangkay na nagpapadagdag sa timbang at nagtatagal ito ng ilang araw kung ikukumpara sa mga local carrots.
Pero dahil bawal na, ay tuluyan na silang hindi nagbenta ng imported.
Sa kabilang banda, sinabi ni senatorial candidate Jess Aranza at isang Anti Smuggling Advocate na malaking dagok sa bansa ang smuggling.
Aniya nasa P250-B ang nawawalang buwis kada taon sa pamahalaan dahil dito.
Aniya matagal na nitong pinaglalabang mahinto ang smuggling.
Sa katunayan matagal na niyang sinasabi na dapat makapaglabas ng Inward Foreign Manifest ang Customs para malaman ang aktwal na mga produkto na pumapasok sa bansa.
Sinabi pa ni Aranza, na mahalaga na huwag idaan sa palakasan at rekomendasyon ang paglalagay ng mga tao sa BOC at sa iba pang ahensya ng gobyerno para makontra ang ilegal na aktibidad.