Presyo ng ilang gulay, tumaas kasunod ng epekto ng Bagyong Kristine at Leon

Presyo ng ilang gulay, tumaas kasunod ng epekto ng Bagyong Kristine at Leon

TUMAAS kasunod ng epekto ng bagyong Kristine at Leon.

Hindi nawawala sa menu ni Kuya Koi sa kaniyang karenderya ang patok na patok na chopsuey.

Ito aniya ang unang nauubos sa kaniyang mga nilulutong putahe dahil sa sustansiyang naidudulot nito sa kalusugan ng tao.

Sari-saring gulay ang sangkap nito gaya na lamang ng highland vegetables tulad ng repolyo, carrots, sayote, baguio beans, bell pepper, at iba pa.

Pero, hinay-hinay po muna sa pamimili ng mga nabanggit na gulay— tumaas kasi ang presyo matapos ang sunud-sunod na bagyo.

“Kasi ‘yung pinanggalingan ng ating gulay is malayo so hirap silang magdeliver sa atin. So, ang presyong ‘yan ay naka-depende doon sa kinukuhanan namin. ‘Yung suplay ng gulay ay talagang uunti,” ayon kay Regine Ricafort, tindera ng gulay.

“30% ang itinaas ng gulay, nasa P50 din ‘yung itinaas,” wika ni Katrina Masagnay, tindera ng gulay.

“Dahil apektado ‘yung pinagkukuhanan ng mga gulay, gaya ng Isabela, Ilocos kapag inaano sa Urdaneta mahal na po kaya kapag binagsak dito ay doble doble na ang patong,” ayon kay Maryjoy Antinero, tindera ng gulay.

Kung noon, sobra ang tinatakal ni Kuya Koi sa kada order ng chopsuey— pero ngayon ay nagbago na aniya.

Kahit ganun ay hindi anila sila nagtaas ng presyo.

“Kaunting takal lang po dahil mahal ang bilihin kapag tag-ulan, kasi iba kasi rito walang budget kumbaga pabigay lang kami kaunti,” ayon kay Kuya Koi, may-ari ng karenderya.

Aminado ang Department of Agriculture (DA) na may pagtaas talaga sa presyo ng mga gulay dahil sa epekto ng Bagyong Kristine at Leon.

Wala anila dapat ikabahala sabi ng DA dahil isa hanggang dalawang linggo lang anila naman mararamdaman ang mahal na presyo ng gulay.

“Mabilis lamang maka-recover itong gulay at may mga area kasi na mapagkukunan tayo doon sa mga lugar na hindi naaapektuhan kagaya rito sa Mindanao at Visayas,” pahayag ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Para makamenos sa gastos sa bilihin sabi ng DA maaaring humanap ng opsiyon.

Gaya na lamang ng pamimili ng gulay sa mga Kadiwa Center ng DA.

Sa ngayon kasi ang dating P25/kg lang na repolyo – ngayon nagkakahalaga na ng P100/kg.

Ang carrots, nasa P200 na kada ang kilo, bell pepper na pumapatak sa P300 kada kilo, Baguio Pechay at Baguio Beans na naglalaro sa P100 hanggang P140 kada kilo.

Ang dati ring P60/kg na okra – ngayon ay umaabot na hanggang P100 kada kilo maging ang ampalaya at sitao.

“Nasa more than P600 million ‘yung ire-release ng Philippine Crop Insurance Corporation as indemnification to insured the affected farmers. Ito ay ipapamigay as soon as matapos ‘yung validation doon sa mga insured affected farmers.”

“So, malaking tulong ito para maibsan ‘yung pagtaas ng presyo roon sa mga lugar na apektado ng bagyo especially dito sa Bagyong Kristine,” pahayag ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble