PAGTITINDA ng iba’t ibang kakanin ang tanging hanapbuhay ni Aling Maridel sa Commonwealth Market sa Quezon City.
Naging hamon nga ang buwan ng Disyembre sa kaniya dahil kabilang ang puwesto niya sa loob ng palengke sa mga natupok ng apoy noong nakaraang buwan.
Dahil diyan, sa labas na lang siya ng palengke nagtitinda ng biko, puto, suman, at home-made leche flan niya.
‘Yun nga lang at nililimitahan niya ang paggawa ng leche flan dahil sa pagtaas ng sangkap na ginagamit niya gaya ng itlog.
“Dati kasi ang bagsak ko niyan ay P40, ngayon ang wholesale namin ay P45. Imbes na bibili sila ng 10pcs, ang bibilhin na lang nila ay 5 pcs kasi masyadong tumaas na kapos na sila sa budget. Kaya, ang ginagawa lang namin ay ‘yung mga order lang,” ayon kay Maridel, Tindera ng Kakanin.
Sa katunayan, aminado ang ilang nagtitinda ng itlog sa loob ng naturang palengke na ilang linggo ngang tumaas ang presyo na umaabot sa P290 kada tray nitong mga nakaraang linggo.
Ngayon, bahagya itong bumaba pero malayo pa rin sa dating presyo na abot kaya ng mga mamimili.
Pagka-Disyembre lahat naman ay tumataas kumbaga ito ‘yung panahon para bumawi ‘yung mga negosyante. Pagdating kasi ng January ay diretso baba na.
Anila, asahan pa ng mga mamimili na habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon ay mas tataas pa ang presyo itlog at maging ang iba pang mga bilihin.
Hindi aniya posible na tumaas ang kada tray hanggang limang piso.
“Ang tatamaan talaga diyan ang mga mamimili talaga. Kami ay bibili lang, puhunan lang tapos papatungan namin kaunti,” wika ni Wilmar Manio, Tindero ng Itlog.
Didiskarte na lang umano ang ilang mamimili oras na tumaas pa ang presyo ng itlog sa merkado.
Ang mga anak naman ni Tatay Roldan, itlog ang paboritong ulam sa umaga kaya maghahanap na aniya ito ng mas murang mabibilhan ng itlog.
“Tipid talaga kasi ‘pag mura ay kakain sila ng 3 pcs ng itlog kapag mahal na dalawa kasi sila so hati sila sa isang itlog,” ayon kay Roldan Felipe, Mamimili.
Si Gerald naman ay dismayado sa administrasyon simula aniya kasi naupo si Marcos Jr. wala na aniya humpay sa pagtaas ng presyo sa mga bilihin.
“Kahit manawagan tayo doon, wala na tayong magagawa doon, walang kwenta ang gobyerno ngayon,” ayon kay Gerald, Mamimili.
Kaugnay niyan, ipinagtataka rin ng Philippine Egg Board Association (PEBA) kung bakit tumataas ang presyo ng itlog sa retail.
Sabi ni PEBA President Gregorio San Diego, ilang linggo na ngang mababa ang farm gate price sa itlog.
“Iba nga itong taon na ito eh, sabi sa news mataas ang presyo pero sa farm naman namin ay pababa. Dumarami ang production pero humihina ang consumption kasi throughout the years kapag nagpa-Pasko talagang tumataas ang demand. Pero, mukhang this year ay different di ba kapag nagpa-Pasko ay gumagawa ng cake, mga kakanin, leche flan and etc. Ngayon, tumutumal sa mga farm kaya nga nagbababa ng presyo. Matagal ‘yan weekly ‘yan bumababa ang presyo sa farm,” saad ni Gregorio San Diego, Chairman, PEBA.
Pero, hindi nila isinasantabi na posibleng may nagmamanipula sa presyo ng itlog sa merkado kahit pa ilang linggo nang bagsak ang farm gate price nito.
“Mayroon ‘yan the mere fact na ang layo ng presyo sa farm sa market eh mayroon talagang manipulasyon na nangyayari diyan kung ‘yan ay middlemen o retailer ay hindi na natin alam,” ani Gregorio San Diego, Chairman, PEBA
Pag-angkat ng manok at iba pang poultry products, dapat nang limitahan; Economic managers ni Marcos Jr, ‘in love’ sa pag-aangkat—UBRA
Pero, hindi lang din pagtaas ng presyo ng itlog ang hamon na kinaharap ng poultry industry—kabilang na rin ang bird flu na hanggang ngayon ay wala pa ring bakuna.
Panawagan nga ng United Broiler Raisers Association (UBRA) limitahan ang pag-aangkat ng manok at iba pang poultry products para maiwasan ang pagpasok ng nasabing sakit.
‘Yun nga lang at iba anila ang tingin ng administrasyon lalo na ang mga economic manager ni Marcos Jr. sa lokal na produkto ng bansa.
“Matagal na naming paninindigan ‘yan, kaya lang kinikilala namin na ang reyalidad na ang mga ekonomista natin ay in love sa kaisipan ng importansyon,” saad ni Atty. Bong Inciong, President, UBRA.