NASA walo hanggang sampung itlog kada linggo ang nabibili ni Mang Arnel noon sa Agora Public Market sa San Juan City.
Pero sa ngayon, anim na piraso na lang ang kaniyang nabibili dahil hindi na kasya sa kaniyang budget.
Nagmahal na kasi ang presyo ng itlog.
Ayon sa Philippine Egg Board Association (PEBA), nagkakaroon ng deficit sa suplay ng itlog kaya nagmahal ang presyo ng mga ito.
Pero bakit nga ba nagkakaroon ng limitadong suplay ng itlog ngayon?
“Ang dahilan nito ay ang pagbabawas ng mga alagang manok ng ating mga kasamahan sa farm operations because of ‘yung mga nalugi na months, nitong April at May, ‘yung summer season. Marami kasi nalugi. So ang kanilang adaptation is magbawas din ng expenses sa pagbabawas ng kanilang population,” saad ni Francis Uyehara, President, Philippine Egg Board Association (PEBA).
Dagdag pa ni PEBA President Francis Uyehara na sa sobrang init ng panahon noong Abril at Mayo, huminang kumain ang mga manok na nagresulta ng ‘imbalance’ sa distribution ng egg sizes.
Nagkaroon aniya ng oversupply ng mga maliliit na sizes sa panahon na iyon kaya bumaba ang presyo ng itlog na sinabayan pa ng napakababang demand.
“‘Yun po ‘yung cumulative reasons kung bakit hindi naging economical ‘yung panahon na iyon for farm producers. ‘Yun po ‘yung naging dahilan kung bakit nag-adjust sila. Nagbawas sila sa kanilang mga alagang manok para mabalanse doon sa current demand,” ani Uyehara.
Presyo ng itlog, mas tataas sa Pasko at Bagong Taon
Inaasahan naman na mas magmamahal pa ang presyo ng itlog hanggang sa buwan ng Disyembre at sa pagpasok ng Bagong Taon.
“During those times kasi, drastically kasi tumataas ‘yung consumption. Ang mga tao willing gumastos. And during those times, hindi lang po sunny side-up, scrambled egg or hard-boiled egg ang ating pinag-uusapan. Malaking ‘yung epekto nung mga pastries, nung mga pangregalo, mga handaan. ‘Yun ‘yung nagpapataas ng demand,” dagdag ni Uyehara.
Kumpiyansa naman ang PEBA na sa pagtaas ng demand ng itlog sa papalapit na holiday season ay magiging sapat ang suplay nito.