INAASAHAN ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy ngayong Disyembre ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines.
Planuhin na nang maigi ang mga ihahanda ngayong nalalapit na ang Pasko lalo na sa mahilig ng karneng baboy.
Kalderatang baboy, afritadang baboy, hamonado, adobong baboy, at ang pinakamasarap at patok sa atin ay walang iba kundi ang lechon baboy.
‘Yan ang karaniwang handa nating mga Pilipino tuwing Kapaskuhan at bagong taon.
Pero, dapat maaga pa lang ay napag-planuhan na po ang mga ihahanda at siyempre ang budget mo—lalo na kapag iba’t ibang putahe ng karneng baboy ang lulutuin mo.
Inaasahang kasi ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy ngayong Disyembre ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines.
Bagama’t mataas anila ang demand sa karneng baboy ay may bahagyang pagbaba ng suplay dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
“Siguro between 10 to 20 pesos per kilo ‘yan posibleng ganon ang itaas sa farm and then sa palengke ay maaaring umabot ‘yan ng 30 to 40 pesos per kilo.”
“Kasi sa CALABARZON area ‘yan medyo ‘yan ang naging epekto ng ASF. So, ang baboy kasi ay medyo marami ang nawala kaya ‘yung sales ng mga nagbebenta ng pamakain ay bumagsak ng 40%,” saad ni Rep. Nicanor Briones, Chairperson, Pork Producers Federation of the Philippines, AGAP Party-list.
Paliwanag ni Briones, isa ang CALABARZON sa pinagkukunan ng suplay ng Metro Manila na siyang apektado rin ng ASF.
Suplay ng karneng baboy hanggang sa holiday season, sapat—Agri Chief
Aminado naman si Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na posibleng tataas talaga ang presyo ng karneng baboy ngayong Disyembre.
Ngunit hindi naman aniya gaanong mataas kumpara sa itinaas nito noong nakalipas na taon.
Pero, ang tanong sapat nga ba ang suplay ng karneng baboy sa holiday season?
“I think we have enough supply. Actually, I was looking at the import numbers the other day lumalabas na theirs 10% more importation of pork this year than last year. So, very significant ang 10% eh,” pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Tama lang aniya ang pag-angkat ng karneng baboy dahil marami ang namatay dahil sa pagkalat ng ASF.
Pero, hindi aniya ibig sabihin na sobrang taas ang ipapatong ng mga pork retailer sa kada kilo ng baboy.
Kaya, para mapigilan ang pagkalat pa ng ASF ay inatasan ni Laurel ang Bureau of Animal Industry na magtayo ng Livestock, Poultry at Meat Industry Inspection site sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.
Ito ay para makontrol ang pagkalat ng sakit.
“Dito sa ating nangyari sa ASF ‘yung mga checkpoint we saw it it’s very effective to control the ASF. Kita niyo naman na nagou-outbreak tayo medyo na control ‘yung pag-spread sa iba’t ibang lugar kasi may hinuhuli talaga,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Sabi naman ni Briones ng Pro-Pork makakatulong ito kahit papaano—pero.
“Ang hindi lang maganda ay siyempre hindi rin ‘yan ang gusto ng mga magbababoy masyadong mahigpit. Makakatulong sa pagkalat pero ang mabigat kung hindi agad natin nababayaran ‘yung mga tinatamaan dahil kulang ang ating pondo. Hindi natin nababakunahan kaagad ‘yung mga kailangang bakunahang baboy ay paulit-ulit lang na mangyayari ang ASF.”
“Pinakamaganda at pinakamabisa na magagawa natin ‘yung Emergency Use Authorization ng bakuna para mabakunahan kaagad ‘yung 6.3 million na backyard at commercial na alaga ng mga magbababoy at aabot ng 12.6 million sa loob ng isang taon. Kinakailangang na sa loob ng 1 year ay mabakunahan kaagad lahat ‘yan para sigurado na hindi na mababawasan ‘yung mga alaga,” ayon kay Rep. Nicanor Briones, Chairperson, Pork Producers Federation of the Philippines | AGAP Party-list.
Sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), naglalaro sa P280 hanggang P360 ang kada kilo ng pork kasim.
Habang P330 hanggang P400 naman ang kada kilo ng pork liempo sa ilang pamilihan sa Metro Manila.