PRESENT sa malalaking selebrasyon ang paborito nating lechon baboy!
At ngayong paparating na ang Pasko at Bagong Taon—siguradong bida na naman ito sa mga handaan.
Kilala ang La Loma sa Quezon City bilang Lechon Capital ng Pilipinas—lugar na sentro ng industriya ng lechon sa bansa.
Sa kahabaan nga ng mga kalye nito, matatagpuan ang mga tindahan na nag-aalok ng sariwa at masasarap na lechong baboy.
Hitsura pa lang, talaga namang nakakatakam na!
Maliit man o malaki—siguradong mahihirapan kang tumanggi!
Ang tindahan nga ni Aling Cora ang pinaka-unang nagtitinda ng lechon sa La Loma mula pa noong 1952 na minana pa aniya nito sa kaniyang hipag.
Simula sa Disyembre 4, asahan na aniya na marami na ang mga mamimili ng lechon lalo na dagsa ang mga Christmas Party sa mga eskwelahan, trabaho, at mga reunion.
‘Yun nga lang—aminado si Aling Cora na mahal sa ngayon ang lechon baboy.
‘‘Mas mura nung nakaraang taon kaysa ngayon kasi dati mababa lang nakakakuha ng P7,000 o P6,000, P8,000 ngayon wala.’’
‘‘Ngayon? Wala eh, mga P10,000 pataas kapag nakatay,’’ ayon kay Aling Cora, may-ari ng Cora’s Lechon.
Hamon pa rin aniya ang epekto ng African Swine Fever (ASF).
Nakapaskil sa tindahan niya ang ASF-Free ang kanilang mga panindang baboy— patunay na dumadaan na ang mga ito sa inspeksiyon ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang kanilang kinakatay na baboy.
‘‘Nilagay namin ‘yan para ‘yung mga bumibili makita nila na ligtas sila sa pagkain nila ng lechon,’’ ayon pa kay Aling Cora.
Tuwing namimili aniya ng lechon si Aling Beth tinitiyak niyang sa kaniyang suki siya namimili.
‘‘Nababahala rin pero talaga sure kami sa kaniya. Dapat talaga sa suki kasi alam mong goods ‘yung baboy nila eh talagang hindi sila magbebenta ng may sakit na baboy,’’ pahayag ni Aling Beth, Mamimili.
Habang papalapit ang Pasko ay asahan na aniya ang paggalaw sa presyo ng mga lechon sa La Loma—limitado lang kasi ang biyahe ng mga biyahero dahil sa mahigpit na hinihinging papeles ng NMIS ng Department of Agriculture (DA).
‘‘Hindi malayo mas malamang na tumaas. Siguro tumaas man lang more or less na P1,000, P1,500 mga ganon,’’ ayon naman kay Renato Ferro, may-ari ng Ryan’s Lechon.
Ngayon pa lang kasi ay naglalaro na sa P6,500 hanggang P16,000 ang bentahan ng baboy sa La Loma.
Ang may-ari na si Ryan nagbabawas na ng kinakatay na baboy dahil sa sobrang mahal ng puhunan kahit sobra naman, marami naman ang suplay ng baboy.
‘‘Binabawasan namin ‘yung katay namin ‘yung presyo kasi ng baboy tumataas ‘yung iba kasi ay hindi afford itaas ‘yung presyo dahil sa budget. Kaya ‘yung dating katay namin na let say na 15 gawin na lamang namin 10. Kaya kapag nabawasan na medyo maaga tsaka na lang kami magpapahabol,’’ dagdag pa ni Renato.
Umaasa ang mga lechonero sa La Loma na ang pagbaba sa presyo ng kanilang baboy mula sa kanilang mga supplier.
Ito anila ay upang maibigay nila sa mga mamimili ang abot-kayang presyo lalo’t sunud-sunod ang mga okasyon.
‘‘Yung regular buyer namin ay hindi medyo tinataasan kung ano ang pinakasagad na presyo namin ‘yun ang ibinibigay namin lalo na kapag suki,’’ ayon pa kay Renato.