Presyo ng luya at bawang, umaabot na sa P400/kg

Presyo ng luya at bawang, umaabot na sa P400/kg

UMAABOT na sa P400/kg ang presyo ng luya at bawang.

Mas mahal pa sa presyo ng karneng baboy at baka ang presyuhan ng ilang rekados ngayon sa ilang palengke sa Metro Manila na umaabot na sa P400/kg dahil kulang umano sa suplay.

Tinolang manok, batchoy, at paksiw na isda – ilan lamang ito sa mga putaheng nilalagyan at pinasasarap ng luya.

At ang paborito mong pares – tiyak mas sasarap din kung lalagyan mo ito ng fried garlic.

Pero, hindi lang sa mga lutong bahay ginagamit ang luya at bawang dahil mabisa rin itong gamot sa sakit na sipon at ubo.

‘Yun nga lang – mala-ginto na ang presyo nito ngayon.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City pumalo na sa P400/kg ang presyo ng bawang habang P280/kg naman sa luya.

Hinay-hinay muna sa paggamit ng mga nabanggit na rekados.

Sa Marikina Public Market naman ay doble rin ang itinaas sa presyo ng luya na umabot na sa P400/kg.

“Kasi kapag dumating dito ng mataas kailangan naming magtaas talaga. Dahil sa sobrang taas ng puhunan niya kasi …malulugi ka,” ayon kay Aling Beth, tindera ng gulay.

“Tsaka ako gumagamit ng luya kapag mura lang kapag kailangan ko talaga kumain ng may luya…mahal,” ayon kay Aling Jona, mamimili.

Kaya naman si Aling Edith, limitado lang ang kaniyang binibiling luya at bawang.

Sa kaniyang maliit na karinderya ay kakaunti lang ang nilalagay nitong rekados upang hindi rin malugi.

“Mahal talaga, sobrang mahal P300-P400 … Siyempre, nalulungkot kami kasi parang hindi na tumitigil ang pagtaas ng mga bilihin,” ayon kay Aling Edith, may-ari ng karinderya.

Limitadong suplay ng luya at bawang, dahilan kung bakit mataas ang presyo— DA

Aminado ang Agriculture Department na may pagtaas talaga sa presyo ngayon ng rekados.

Seasonal lang daw kasi ang luya at bawang kaya’t kapos sila sa suplay.

Posible kasing napupunta ang suplay para sa household consumption o processor.

“So, nag-aagawan ngayon ng supply. As to, for household and for processing. So, their spike in prices shows that there is a tight supply availability as of the moment,” wika ni Ching Caballero, Undersecretary for High Value Crops, DA.

Mataaas na presyo ng ilang rekados sa palengke, kinuwestiyon—SINAG

Kuwestiyunable ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang presyo ngayon ng ilang rekados sa merkado.

P170/kg lang kasi ang farm gate price ng luya kaya’t dapat sana ay nasa P220/kg lang ang retail price nito.

“Value chain nga ang problema. So, dapat ma-check nang mabuti kung saan tumaas ‘yung o biglang sumipa ‘yung presyo,” pahayag ni Engr. Rosendo So, Chairman, SINAG.

Bagay namang tututukan daw ng ahensiya.

“Kung titingnan natin doon sa BAPTC at tsaka sa NVAT, which is basically our wholesale food market. It’s around P100 to around that price. So, tinitingnan natin kung ito ba ay dahil sa transport cost,” wika ni Ching Caballero, Undersecretary for High Value Crops, DA.

Lokal na produksiyon ng bawang sa bansa, nasa 2% lamang—DA

Habang ang bawang naman ay patapos na ang anihan pero kapos pa rin sa produksiyon.

Nasa mahigit 38,000 metric tons o 2 porsiyento lamang ang produksiyon ng lokal na bawang sa bansa kumpara sa demand na natin na aabot sa140,000 metric tons.

Ibig sabihin, 98 porsiyento ng sibuyas na mabibili sa mga pamilihan ay imported.

Sabi ng DA, kung tutuusin mas makakatipid kung gagamit ng native na rekados tulad ng bawang na ito mula Batanes, maliit man pero mas malasa kumpara sa imported.

“Ito ‘yung kino-communicate natin sa ating community na we have to appreciate also kung ano iyong comparison. Mura, pero hindi ganun ka-pungent, mahal nang kaunti pero kailangan mo isang clove lang,” dagdag ni Caballero.

Target ng Agriculture Department na itaas ang produksiyon ng sibuyas sa 20 porsiyento mula sa 2% sa pamamagitan ng pagpapalawak ng multiplier farm sa Nueva Vizcaya, Lanao del Norte, Quezon, at iba pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble