HABANG papalapit ang holiday season, hinihimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili na maging wais sa kanilang pagba-badyet para sa Noche Buena.
Upang matulungan ang mga mamimili sa paggawa ng mga desisyong may kinalaman sa pagbili, inilabas ng ahensiya ang 2024 Noche Buena Price Guide.
Ang gabay sa presyo na inilabas noong Nobyembre 15, ay makatutulong sa mga mamimili na magplano para sa kanilang holiday season purchases sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng listahan ng iba’t ibang mga produkto ng Noche Buena na pipiliin.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DTI Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque na walang pagtaas ng presyo sa basic necessities hanggang katapusan ng taon.
Pagdating naman sa Noche Buena products, mahigit 50 percent mula sa higit dalawang daang produktong ito ay walang pinagbago ang presyo sa nakaraang taon.
Una nang ibinahagi ng DTI na hindi nagbago ang presyo ng nasa 121 Noche Buena items habang nasa 13 produkto naman ang nagbawas ng presyo.
“Iyong mga hindi nag-increase ‘no, which is the mayonnaise, most of the ham, pasta noodles, the cheese and the all-purpose cream and many others. Kasi, actually there’s 200 products eh for the Noche Buena package. So, it’s better that you know will—they can just check the social media site of the Department of Trade and Industry,” ani Sec. Ma. Cristina Aldeguer-Roque, DTI.
May iba man na nagkaroon ng price increase, ito ay mababa sa 5 percent lamang. Ang dahilan aniya ng pagtaas ng presyo rito ay wala umano kasing naging price increase noong nakaraang taon at nagsitaasan na rin ang presyo ng imported products ngayon.
“So they decided to request if they could increase, so we agreed on a less than five percent increase. So that at least kahit papaano, our—the consumers will have, of course a very Merry Christmas and the Happy New Year and not too much of increase also,” dagdag ni Roque.
Sa inilabas din na ulat ng DTI, tumaas ang presyo ng mahigit 100 produktong pang-Noche Buena mula sa 236 stock-keeping units (SKUs) kumpara noong 2023.
Bahagya mang tumaas ang presyo ng ilang Noche Buena items, ay tinitiyak naman umano ng DTI sa mga mamimili na masusing sinuri ng ahensiya ang lahat ng price adjustments sa pamamagitan na rin ng aktibong pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer.
Ginawa ito upang matiyak na mananatiling protektado ang karapatan ng mga mamimili lalo na ngayong nalalapit na Pasko.