ABISO sa mga motorista, higpitan pa ang sinturon dahil muli na naman tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa ikatlong sunod na linggo.
Mula P1,600 na budget pampagasolina kada araw noon, tumaas na ng P2,200 ang pinapagas ni Mang Ranilo ngayon.
Nais niya sanang magtipid sa pagpagas pero require sila na ipafull-tank ang minamanehong taxi bago igarahe.
Kuwento ni Mang Ranilo na malaki na ang nawawala sa kaniyang kinikita kada araw kaya napipilitan siyang magtipid na lamang sa kaniyang pananghalian.
“Ang dating isang libo, P800, P600, P700 na lang ganiyan,” saad ni Ranilo Ganzo, Taxi Driver.
“Minsan pananghalian ko tinapay na lang, SkyFlakes. Sa gabi na lang kakain kasi 24 oras naman ang biyahe. Kaya tipid tipid,” dagdag nito.
Ang tricycle driver na si Jay mas hinabaan na ang oras ng kaniyang pamamasada para may dagdag-kita.
“Sipag lang. Trabaho nang trabaho. Syempre ‘yung oras hahabaan mo para kumita ka. Kasi kung uuwi ka kaagad, hindi ka kikita. Lalo na ngayon mataas ang gas,” ayon naman kay Jay Poronda, Tricycle Driver.
Sa linggong ito, mukhang mas kakayod pa ang mga motorista tulad nina Mang Ranilo at Jay.
Sa ikatlong sunod na pagkakataon, may dagdag-singil na naman sa presyo ng gasolina at diesel. Wala namang paggalaw sa presyo ng kerosene.
Oil Price Hike Effective: January 23, 2024
Gasolina – P1.30/L
Diesel – P0.95/L
Kersone – P0.00/L
Sinabi ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy ang pagtaas ay bunsod pa rin ng nagpapatuloy na tensiyon sa Red Sea dahilan para tumaas ang freight cost at insurance fee.
May epekto na rin ayon sa ahensiya ang pagsisimula ng OPEC+ na magbawas ng isusupply na langis kada araw na aabot sa higit dalawang milyong barrel.
Sabi ni Abad na ang ginagawa ng OPEC+ ay nagdulot ng pabago-bagong galaw sa presyo ng petrolyo.
“Malaki-laki ‘yun. Yung oversupply natin ngayon halos ganoon kalaki. Kapag iyan ay nangyari talaga at nangyari nga ang pagbabawas na iyan, mawawala ‘yung over supply. Magiging very tight na ngayon ang supply at tsaka demand. Kaya most likely, isang galawan lang diyan pwedeng mag-increase, pwede mag-decrease. Pwede mag-increase, pwede mag-decrease,” saad ni Atty. Rino E. Abad, Director, Oil Industry Management Bureau – Department of Energy.
Dagdag ni Abad na kung walang tensiyong nagaganap sa Red Sea at banta ng oil production cut ng OPEC+ bababa na sana aniya ang presyo.
Sakaling magtutuluy-tuloy ang pagsirit ng oil prices, may ayuda naman aniya ang gobyerno para sa mga apektado.
“Andiyan ho ‘yung fuel subsidy program ng LTFRB. Ngayon kasama na ho diyan sa subsidy program for 2024 ‘yung farmers at tsaka fishermen through the Department of Agriculture. Mayroon lang pong trigger na kailangan para ma-release po ‘yung funds which is ‘yung abutin po’ yung $20 per barrel Dubai crude,” ani Abad.