TINIYAK ng Palasyo na nasa P650 kada dosage lang ang presyo ng Sinovac vaccine na bibilhin ng Pilipinas sa China.
Ito ay sa kabila ng hindi paglalabas ng gobyerno sa aktwal na presyo ng naturang bakuna at taliwas sa mga naunang ulat na nagkakahalaga ito ng P3,600 para sa dalawang doses.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, pwedeng baguhin ng China ang presyo ng dine-develop nilang bakuna depende sa kung sino ang bibili, hindi katulad ng ibang kompanya na ipinaiiral ang pagiging kapitalista.
Paliwanag pa ni Roque, ayaw ipa-anunsyo mismo ng Tsina ang presyo ng kanilang COVID vaccine dahil baka magalit ang iba, na aniya’y “hindi nila masyadong BFF” na bumili ng mas mahal.
Maliban sa Pilipinas, hindi rin nagkalalayo sa presyong ibinigay sa Indonesia ang kada dose ng Sinovac na humigit kumulang P650 lang din.
VP Robredo, naniniwala na epektibo ang communication plan ng Indonesia
Samantala, posibleng mayroong maayos na communication plan ang Indonesia kaya walang naging isyu sa Sinovac.
Ito ang paniniwala ni Vice President Leni Robredo hinggil sa kontrobersyal na Sinovac COVID-19 vaccine na nagmula sa China.
Binanggit ito ng bise presidente makaraang isapubliko ni Indonesian President Joko Widodo ang pagpapabakuna nito gamit ang Sinovac.
Sambit ni Robredo, ang epektibong komunikasyon ang kulang sa Pilipinas kaya nagkakaroon ng kontrobersiya.
Kasunod nito’y hinimok ni VP Leni si Pangulong Rodrigo Duterte na mauna sa pagpapabakuna kontra COVID-19 para mapataas ang kumpyansa ng mamamayang Pilipino sa vaccination program ng pamahalaan.
Giit ni Robredo, maaaring magamit ang kasikatan ni Pangulong Duterte para ma-impluwensyahan ang paniniwala ng mga Pilipino sa COVID vaccination.