RAMDAM na ng tinderang si Corazon Dalit ang mahal na gastusin sa mga ginagamit na sangkap sa paggawa ng tinapay.
Ang cocoa na isa sa pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay o pastries ay mas lalong tumaas ang presyo na mula sa P356 kada kilo ay umabot na ito sa P516 per kilo.
Bukod pa diyan, tumaas din ang presyo ngayon ng harina at itlog.
“Kung magtataas ka mawawalan ka ng customer mo. Umiiwas na sila sa mahal,” ayon kay Corazon Dalit, tindera ng tinapay.
Ngayon, nagdagdag lang sila ng piso pero hindi lahat ng tinapay ay nagtaas.
Sabi nga ng Philippine Federation of Bakers’ Association lubhang naapektuhan ng mahal na raw materials at logistic ang mga maliliit na panaderya.
“Ano ba ang mangyayari sa presyo ng sangkap na ginagamit po namin sa bakery kapag ito ay nagkaroon ng paggalaw,” wika ni Lucito “Chito” Chavez, President, Philippine Federation of Bakers’ Association.
Babala ng grupo, posible raw na tumaas ang presyo ng tinapay habang papalapit ang holidays.
“Now, we are praying as much as possible for the consumers not to be affected sa ngayong Pasko at Bagong Taon sana naman ay walang paggalaw. Pero, ako ay nangangamba,” ani Chavez.
Ito ba ay nakakatulong o nakakaapekto.
“Dapat tingnan nila ang sitwasyon ng mga maliliit na player sa industriya ng pagti-tinapay. Kasi, ‘yung player ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ay malalaking player ´yan ito ay ´yung hindi nakikita ng pamahalaan, ito ay hindi nakikita ng DTI, nakakaapekto ng kaunti ang hindi pagtaas ng presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal,” dagdag ni Chavez.
Hirit na taas-presyo ng ilang manufacturers, hindi pa napapanahon—DTI
Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na higit 60 manufacturers ang ilang buwan nang humihiling na magtaas presyo sa kanilang mga produkto.
Kabilang ang mga manufacturer ng sardinas, Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, noodles, canned goods, at bottled water.
“Ongoing´yung mga pag-aaral natin doon sa mga nagre-request ng mga pagtaas ng SRPs o adjustments. Medyo matagal-tagal na rin nagkaroon ng adjustments.”
“Medyo, mataas ´yung hinihingi nila,” ayon kay Atty. Agaton Uvero, Assistant Secretary for Fair Trade Group, DTI.
Hindi nabanggit ng ahensiya kung magkano ang nais idagdag na taas-presyo ng mga manufacturer sa mga nabanggit na produkto.
Pero sabi ng DTI, hindi ito dapat lumagpas sa 10 porsiyento na kasalukuyang Suggested Retail Price (SRP) nito.
Nilinaw naman ni DTI Secretary Cristina Aldeguer-Roque, marami pang kailangang tingnan bago aprubahan ang kanilang mga kahilingan.
“We also need to be sensitive to the needs of the consumers. So, we need to really balance everything to be able to come up with a correct decision whether mag-increase ng price or not,”
“Napapanahon po ba na magtaas presyo? Ngayon, hindi napapanahon pa,” pahayag ni Sec. Cristina Aldeguer-Roque, Department of Trade and Industry.
Ilang manufacturers ng sardinas, posibleng huminto muna sa operasyon sa oras hindi payagan ng DTI na magtaas-presyo
Ang pahayag ni DTI Secretary Roque ay pinalagan naman ng Canned Sardines Association of the Philippines.
Anila, higit isang taon na silang umaapela sa DTI na payagan silang magtaas-presyo sa ilang brand ng sardinas.
Sinabi ni Francisco Buencamino, Executive Director ng grupo may ilang manufacturers na ang huminto sa operasyon dahil sa matinding lugi.
“We are asking for something like P3 from a year ago. Hindi nila inaaksyunan ‘yung request ng mga sardine manufacturers.”
“Kaya nga kami nagre-reklamo dahil ang dami na nalulugi,” saad ni Francisco Buencamino, Executive Director, Canned Sardines Association of the Philippines.
Babala ng grupo sa oras hindi pa rin sila pagbigyan ng DTI ngayong buwan.
“It is really damaging the industry.”
“There comes a point when we are reaching our limitations. So, continues ang nagiging lugi we might have to suspend our operation,” dagdag ni Buencamino.