Price control sa mga pangunahing bilihin, ipinatitiyak ng Palasyo

IPINAG-utos na ng Palasyo ang price control sa mga maituturing na essential medicines at mga suplay sa mga piling agriculture at fishery commodities.

Ito ay dahil pa rin sa epekto ng coronavirus disease 2019 sa bansa.

Batay sa ipinalabas na Memorandum Circular No.77, inaatasan ang mga pamahalaang lokal na tiyaking masusunod ang pagpapatupad ng price control sa kanilang nasasakupan kasunod na rin ng deklarasyon ng state of calamity sa buong bansa.

Inatasan namang gawin ang price monitoring ng Department of Health, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry ang pag-monitor sa mga presyo sa kanilang nasasakupan.

Ipatutupad naman agad ang price control matapos ipalabas ang nasabing memorandum.

Samantala, sinuspende ng Philippine Ports Auhority o PPA ang pag-isyu ng cargo entry withdrawal permit sa mga truckers.

Sa inilabas na Memorandum Circular No 10, hindi na kailangan pang magdala ng permit upang makalabas o makapasok ang mga kargamento nito sa kahit anu mang bahagi ng Luzon.

Mananatiling bukas naman ang mga pantalan sa mga cargo ships ngunit kinakailangan nakasunod pa rin ito sa mga panuntunan ng Bureau of Quarantine at Department of Health.

Hindi naman pinahihintulutan na pumasok ang mga pampasaherong sasakyang pandagat.

Papayagang makapasok o makalabas ang isang cargo kung hindi naman kinakailangan tumawid sa kabilang pantalan.

Habang ang mga kargamento naman na kailangang itawid sa kabilang pantalan ay kinakailangang iunload o ilipat ng panibagong truck at drayber na may dalawang pahinante upang mailabas ang kargamento.

Kinakailangan din na ang lahat ng drayber at pahinante ay dumaan sa health screening bago sila makapasok o umalis ng pantalan.

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.