Price freeze, mananatiling epektibo sa mga state of calamity areas –DTI

Price freeze, mananatiling epektibo sa mga state of calamity areas –DTI

MANANATILING epektibo ang price freeze sa mahigit-kumulang 25 lugar sa bansa dahil sa epekto ng northeast monsoon, shear line, at low pressure area.

Kabilang dito ang 22 barangay, 16 na munisipalidad, 4 na lungsod at 3 probinsya mula sa Mimaropa, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao at Caraga.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang lahat ng pangunahing bilihin ay isinailalim sa price freeze sa loob ng 60 araw, habang ang mga presyo ng household liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene ay dapat i-freeze sa loob ng 15 araw sa ilalim ng Price Act.

Mahigpit ding binabantayan ang presyo ng de lata, instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, laundry soap, detergent, at asin.

Sinabi naman ni DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo, na maliban sa mga basic necessities, binabantayan din ng mga regional at provincial offices ang presyo at suplay ng iba pang commodities.

Tiniyak naman ng pamahalaan na sa ilalim ng Price Act mahaharap sa penalidad na hanggang 10-taong pagkakakulong ang mga business establishments na lalabag dito at multa na P5,000 hanggang P1 million o depende sa desisyon ng korte.

Follow SMNI NEWS in Twitter